December 3, 2025 | 12:00am
SI Harold ay tripulante ng barko na nawala habang ginagampanan ang kanyang trabaho. Sa unang biyahe ng barko, bandang alas-dos ng madaling araw, napansin ng tanod na hindi na makita si Harold.
Sa kabila ng masusing paghahanap, walang nakakita sa kanya, at walang nakakaalam kung ano talaga ang nangyari.
Nang mag-imbestiga ang kanyang asawa na si Nica, wala ring maipaliwanag ang kompanya ng barko tungkol sa pagkawala ni Harold.
Dahil dito, ipinabatid ni Nica sa kompanya ang kanyang paniniwala na patay na ang asawa niya. Pagkaraan ng 42 araw mula nang mawala si Harold, nagsumite si Nica ng kahilingan upang bayaran siya ng nararapat na death benefits.
Tumanggi ang kompanya, iginiit na hindi pa matitiyak ang kamatayan ni Harold. Ayon sa kanila, maayos naman ang panahon noong gabing iyon kaya posibleng tumalon si Harold at nakaligtas sa pamamagitan ng paglangoy papunta sa dalampasigan.
Nang sumagot ang kompanya, lumampas na ang itinakdang panahon para tumutol sila sa kahilingan ni Nica. Dahil dito, inaprubahan ang pagbabayad ng benepisyo. Ngunit, mali ito.
Ang hindi maagap na pagsagot ng kompanya ay hindi nangangahulugang inaamin nilang patay na si Harold; ito ay patunay lamang na siya ay nawawala.
Hindi pa maaaring ipalagay na patay siya sapagkat 42 araw pa lamang ang lumipas mula nang siya ay mawala.
Bukod dito, hindi naman lumubog o nawala ang barko, kaya walang katiyakan kung ano ang tunay na nangyari, maaaring nakaligtas siya, lumipat sa ibang barko, o sadyang nagpakalayo.
Hindi dapat basta ipagpalagay na patay ang isang tao dahil maraming legal na usaping nakapaloob dito, tulad ng pagbabayad ng death benefits, mga karapatan sa mana, at estado ng asawa.
Sa ilalim ng batas, maituturing lamang na patay ang isang taong nawawala pagkalipas ng apat na taon mula nang huli siyang makita, o dalawang taon kung napatunayang siya ay nawala sa panganib ng kamatayan gaya ng lumubog na barko o digmaan (Aboitiz Shipping Corporation vs. Pepito, et al.).
