Ang mensahe ni Cardinal David

by Philippine Chronicle

BARDAGULANRonald M. LLamas – Pilipino Star Ngayon

December 3, 2025 | 12:00am

MULING dumagsa ang libo-libong tao sa EDSA para sa Second Trillion Peso March noong November 30, Araw ni Andres Bonifacio. Katulad ng unang pagkilos noong Setyembre 21, tampok ang panawagan para sa hus­tisya at pananagutan sa malawakang korapsyong dulot ng flood control corruption scandal. At dahil araw iyon ni Bonifacio, pinangunahan ng mga manggagawa ang pagkilos.

Ngunit may mga pagkakaiba rin sa nasabing pagkilos. Hindi lamang sa EDSA naganap ang mga protesta, nag­karoon din ang iba’t ibang sektor sa maraming bahagi ng Pilipinas. Patunay nito, ang Second Trillion Peso March ay nilahukan ng mahigit 90 Catholic dioceses sa buong bansa.

Bukod dito, itinampok ng mga organizer ang panawagang kailangang i-abolish ang mga political dynasty, isa sa mga ugat ng sistematikong pagnanakaw sa kaban ng bayan.

Isa sa mga pinakatampok sa protesta sa EDSA ang talumpati ni Pablo Virgilio Cardinal David. Mahinahon ngu­nit matapang niyang ipinaliwanag kung bakit pinili ang EDSA bilang simbolikong lunsaran ng protesta laban sa korapsyon. 

Ayon sa Cardinal, kailangan managot ang lahat ng tiwali, nasa kampo man ni President Bongbong Marcos Jr. o ng mga Duterte. Batid din niya na may ilang nananawagan na magbitiw ang dalawang pinakamataas na lider ng bansa at nagtutulak ng mga extra-constitutional na solusyon. 

Sinabi niyang bagama’t ginagalang niya ito, at hindi siya nagsasara sa iba pang demokratikong opsiyon, ipinaabot din niya ang kanyang pag-iingat at agam-agam na, sa kasaluku­yang balanse ng mga nagtutunggaling pwersa at pulso ng ma­mamayan, tila pasok ito sa naratibo ng mga pro-military inter­vention na pabor sa mga Duterte o sa pagtatatag ng isang junta. “Trahedya,” aniya, kung mangyari ito.

Ngunit imbes na unawin ng ibang grupo, minasama nila ang tapat na pahayag ng Cardinal at inatake pa siya. Hindi naman ito bago sa mga grupong madaling mag-akusa na “oportunista” o “tuta ni Marcos Jr.” sa sinumang kontra sa kanila. Tapos inaasahan nila na makukuha nila ang loob ng marami sa ganyang asta? 

Nakakabilib ang pahayag ni Cardinal David. Sa gitna ng isang malalim na krisis, mahalaga ang maingat, mapagkumbaba ngunit matalim na pagsusuri ng Cardinal. Bilang isa sa ating mga pangunahing moral leaders, alam niyang responsibilidad niyang samahan ang mamamayan sa paghahanap at pagtitiyak ng pinakademokratikong solusyon sa krisis.


You may also like

Leave a Comment

Are you sure want to unlock this post?
Unlock left : 0
Are you sure want to cancel subscription?
-
00:00
00:00
Update Required Flash plugin
-
00:00
00:00