VP Sara, may P1-B insertions noong Davao mayor pa!

by Philippine Chronicle

DIPUGANon Alquitran – Pilipino Star Ngayon

December 28, 2025 | 12:00am

MAAGA pa para magsaya itong si VP Sara Duterte sa 31 percent na acceptance rating n’ya sa survey ng Social Weather Station. Malayo pa ang 2028 elections. ‘Ika nga, marami pang patibong na dadaanan si VP Sara bago sumapit ang national elections.

Subalit nasabi ng mga kosa ko na beterano na itong si VP Sara sa bangayan dahil mukhang nalagpasan na n’ya ang P126 milyon confidential funds na ibinabato sa kanya. Nagsawa na sa paulit-ulit na confi funds isyu ang mga Pinoy? Puede, di ba mga kosa?

Kung nalampasan ni VP Sara ang kamandag ng confidential funds, dito kaya sa isyu ng “DPWH Leaks” na P1 ­bilyon insertions may kalalagyan s’ya? Kung sabagay, hindi lang naman si VP Sara ang nahagip ng “DPWH leaks” kundi maging ang utol na si Davao Rep. Paulo Duterte at ex-presidential spokesperson Harry Roque. Hmmm!

Bagong isyu na dapat namnamin ng mga Pinoy bago ang 2028 elections. Wala namang bagong isasagot si VP Sara dito kundi ‘demolition job’ lang o konektado sa 2028 elections. Ano pa nga ba? Hehehe! Kelangan pa bang i-memorize ‘yan?

Tuwang-tuwa naman si ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio dahil may bagong isyu na naman s’yang paglalaruan laban kay VP Sara. “Sa wakas, may lumabas na ring impormasyon mula sa DPWH tungkol sa mga alokasyon at singit sa budget sa panahon ng Duterte administration, ” ani Tinio.

“Hindi pwedeng magmalinis si Vice President Sara Duterte dahil meron din siyang maraming singit na proyekto sa DPWH bilang mayor ng Davao na dapat niyang panagutan at dapat ding imbestigahan,” ang dagdag pa ni Tinio.

Sa ulat kasi ng ‘DPWH leaks,’ may 16 line items na sinasabing nagkakahalaga ng kabuuang ?1 bilyon ang mga proyektong hiniling umano ni Vice President Duterte na maisama sa 2020 budget ng DPWH noong siya ay mayor pa ng Davao City. 

Ayon kay Tinio, hiwalay pa ito sa P51 bilyong alokasyon na umano’y napunta kay Davao City Rep. Duterte, na una umanong kinumpirma ng yumaong DPWH Undersecretary Cathy Cabral. Sanamagan! Ang sakit sa bangs nito!

Binanggit din ng mambabatas na hindi umano ­nakapagtataka kung bakit nakapag-request ng malaking halaga ng mga proyekto ang ilang miyembro ng pamilya Duterte at mga opisyal ng Malacañang noong panahong sila ang nasa kapangyarihan.

“Hindi kataka-taka na ang pamilya Duterte at mga opisyal ng MalaCanang tulad ni Harry Roque at maging si Bong Go na kontraktor pa nga ang  kumabig nang malaki noong sila ang nasa poder,” ani Tinio. Ayon pa sa kanya, sa panahong ito umano nagsimula ang tinawag niyang “walang kapantay na pandarambong” sa DPWH budget.

“Totoong nagsimula ang walang kapantay na pandarambong sa DPWH budget sa panahong ito kaya dapat lang na saklawin ng imbestigasyon ang mga taong 2016 hanggang 2022 at panagutin din ang mga opisyal sa panahong iyon,” ani Tinio. May punto si Tinio, di ba mga kosa? Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan! 

Nanawagan si Tinio ng isang komprehensibo at patas na imbestigasyon upang matukoy ang pananagutan ng mga sangkot at matiyak na may mananagot sa anomalya sa pondo ng bayan. Ang “DPWH Leaks”, ay naglalaman ng listahan ng mga proponents o sponsors ng mga proyektong isinama sa budget proposal ng ahensiya. Abangan!


You may also like

Leave a Comment

Are you sure want to unlock this post?
Unlock left : 0
Are you sure want to cancel subscription?
-
00:00
00:00
Update Required Flash plugin
-
00:00
00:00