Viva, Pinay ‘Mock Mayor’ sa Inglatera

by Philippine Chronicle

PINOY OVERSEASRamon M. Bernardo – Pilipino Star Ngayon

December 28, 2025 | 12:00am

Bilang paunang paglilinaw, ang “mock mayor” sa konteksto ng kultura at kasaysayan ng maraming bayan sa Inglatera ay isang simboliko at seremonyal na lider, hindi isang pulitiko. Hindi ito ang “mock” na nangangahulugang panlilibak o panunuya, kundi isang titulong nagmula sa mahabang tradisyon ng mga Briton na pinagsasama ang kasaysayan, katatawanan, at diwa ng pagkakaisa ng komunidad.

Isa sa mga pinakatanyag na halimbawa nito ang Barton St. Mary, isang maliit ngunit makulay na komunidad sa lungsod ng Gloucester sa England. Sa loob ng mahigit tatlong siglo, taon-taon silang nagtatalaga ng sariling “mock ma-yor,” isang tradisyong isinilang matapos ang kaguluhan ng English Civil War noong ika-17 siglo. Noong 1643, tumindig ang Gloucester laban sa hari sa tinaguriang Siege of Gloucester. Nang muling maupo sa trono si Haring Charles II noong 1660, pinarusahan niya ang lungsod sa pamamagitan ng pagbabawas ng sakop nito—kabilang sa tinanggal ang lugar ng Barton. Naiwan tuloy ang mga taga-Barton na walang alkalde. Kaya sa halip na magreklamo, gumawa sila ng sarili nilang mayor, isang hakbang na humubog sa kakaibang tradisyon na tinatawag ngayong Mock Mayor of Barton.

Ngayon, ang seremonyang ito ay patuloy na isinasagawa sa isang masayang pagtitipon na may kantahan, kainan, at ang kilalang one-fingered salute—isang pilyong paalala sa kasaysayang bumuo sa pagkatao ng Barton. Sa kabila ng kasayahan, may seryosong layunin ang posisyon: tulungan ang komunidad, ipagdiwang ang pagkakakilanlan ng mga taga-Barton, at maghatid ng inspirasyon sa mga residente.

Ngayong 2025, isang dugong Pilipino ang nahalal bilang bagong Mock Mayor of Barton — si Viva Andrada O’Flynn, isang Filipino-British entrepreneur, artist, at community advocate. Sa seremonyang ginanap noong Setyembre sa One Eyed Jacks Pub sa Barton Street, suot ni Viva ang robe, sumbrero, at kuwintas ng simbolikong tungkulin habang binibigkas ang kanyang talumpati para sa susunod na labindalawang buwan. Pumalit siya kay Nick Gazzard, isang kilalang tagapagsulong laban sa karahasang panlahi at kasarian, at ama ni Hollie Gazzard na naging simbolo ng kampanya laban sa domestic violence sa UK.

Ayon kay Viva, hi-git pa sa karangalang personal ang pagiging mock mayor. “Ito ay isang pagdiriwang ng aming komunidad, ng aking pinagmulang lahi, at ng pagkakaisang bumabalot sa Barton ngayon,” wika niya sa panayam ng Tinig UK. Idinagdag niyang “nakakagulat at mapagkumbabang karangalan” ang pagtanggap ng naturang papel, at lalong naging espesyal ito dahil dumating mula pa sa Pilipinas ang kanyang pamilya upang saksihan ang kanyang pagtatalaga. “Ang makasama sila sa sandaling iyon ay paalala ng mga sakripisyo at pagmamahal na humubog sa kung sino ako ngayon,” dagdag niya.

Si Viva ay hindi na baguhan sa gawaing pangkomunidad. Nagsilbi siyang kalihim ng Filipino Association of Gloucestershire, nag-aral sa Gloucestershire College, at nagtrabaho rin sa Gloucester City Council. Isa rin siyang negosyante at may-ari ng Love Viva Cakes and Crafts, isang kumpanyang tumanggap ng parangal bilang Creative Business of the Year 2019. Kabilang siya sa Top 5 Business Women in the UK noong 2020 at naging finalist sa Women’s Business Club Awards. Bukod dito, nakilala rin siya bilang makata at visual artist, kabilang sa mga nanalo sa World Humanitarian Drive’s COVID Times Poetry Competition, kung saan kinatawan niya ang Pilipinas.

Sa tradisyon ng Barton, ang mock mayor ay dapat ipinanganak o nanirahan dito nang hindi bababa sa dalawang taon. Kapag napili, siya ay pormal na pinapasuotan ng roba at simbolikong kadena, at inaasahang kakatawan sa Barton sa iba’t ibang community events—tulad ng Gloucester Day Parade, kung saan nagkakaharap ang tunay na alkalde ng Gloucester at ang mock mayor ng Barton sa isang makasaysayang ritwal ng pagkakaisa at paggalang.

Bagaman walang kapangyarihang politikal, malalim ang kahulugan ng tungkuling ito, ayon kay Viva. “Para sa akin, ito ay pagkilala sa tapang ng mga nauna sa amin, pagdiriwang ng tiyaga at pagkakaisa ng Barton ngayon, at inspirasyon para sa mga susunod na henerasyon upang ipagmalaki kung sino sila at saan sila nagmula,” pahayag ng Pinay na entrepreneur.

Sa kanyang pagkakahalal, muling pinaalab ni Viva Andrada O’Flynn ang diwa ng kasaysayan, komunidad, at pagkakaisa sa Barton. 

At sa gitna ng mga bandila, tawanan, at tugtugan ng seremonya, tila ipinapaalala ng tagumpay ni Viva na saanman makarating ang Pilipino—sa Gloucester man o sa ibang pa-nig ng mundo—lagi’t laging lumilitaw ang likas na galing, sipag, at pakikisalamuha ng ating lahi.

* * * * * * * * * * *

Email- [email protected]


You may also like

Leave a Comment

Are you sure want to unlock this post?
Unlock left : 0
Are you sure want to cancel subscription?
-
00:00
00:00
Update Required Flash plugin
-
00:00
00:00