December 22, 2025 | 12:00am
ISANG malaking eskandalo ang bumulaga sa Europe matapos matuklasan na isang sperm donor mula Denmark ang aksidenteng nakapagpasa ng isang bihirang genetic mutation sa 200 mga bata!
Ang donor, na kilala sa alyas na “Kjeld,” ay nagdadala ng mutation sa TP53 gene na nagdudulot ng Li-Fraumeni syndrome.
Ang kondisyong ito ay nagpapataas ng risk na magkaroon ng cancer.
Ipinaliwanag ng mga eksperto na mismong ang donor ay malusog at hindi alam ang kanyang kondisyon dahil nasa piling sperm cells lamang niya ang mutation.
Sa kasamaang palad, naipasa ito sa kanyang mga biological child nang ipamahagi ng European Sperm Bank ang kanyang samples sa 67 klinika sa 14 na European countries mula 2006 hanggang 2022.
Lumabas din na nilabag ng European Sperm Bank ang mga limits sa dami ng anak.
Sa Belgium, kung saan hanggang anim na pamilya lang ang puwede bawat donor, umabot sa 53 ang naging anak ni Kjeld.
Walang centralized database sa Europe pagdating sa sperm donors kaya patuloy na naibebenta ang sperm sa iba’t ibang bansa nang walang nakaaalam sa tunay na bilang ng mga bata.
Dahil dito maraming bata na ang nagkaroon ng multiple cancers at ang ilan ay namatay na sa murang edad.
Ang mga nabubuhay naman ay kailangang sumailalim sa habambuhay na screening dahil anumang oras ay maaari silang tamaan ng sakit.
