November 26, 2025 | 12:00am
Sa dami ng programang sosyal na puro pang-“report sa papel,” meron na namang lumutang na proyekto na maganda sana pero, gaya ng dati, parang takot palakihin ng gobyerno.
Sabi nga ito ang Project Aruga! Para sa mga hindi pa alam, ito ‘yung programa para sa mga batang may kapansanan. Oo, ‘yung pinaka-kawawa at pinaka-nangangailangan, pero kadalasan, sila pa yung parang “afterthought” sa budget ng gobyerno.
Ngayon, tanong – sino na namang senador ang hindi pumayag na one-time lang ang tulong? Sino ang kumalampag at nagtanong ng, “Hoy, P10,000 one time? Eh bente mil pa lang ng therapy sa isang buwan di pa kasya!” Siyempre, si Raffy Tulfo. Sino pa ba.
Sabihin na ng iba na “OA si Tulfo,” “masyadong maingay,” o “pang-TV lang.” Pero eto ang totoo, walang ibang senador ang nagtanong ng batayang tanong “Bakit isang bagsak lang? Bakit hindi buwan-buwan?”
Mga batang may kapansanan ang pinag-uusapan dito hindi aso, hindi materyales, hindi proyekto sa kalsada. Tao ’to. Bata. At sa Pilipinas, kung may CWD ka sa pamilya, alam mo na agad mahal, masakit, mabigat, at walang-sagot ang gobyerno.
Ika nga, Therapy? Mahal. Lakad sa ospital? Pamasahe. Special needs? Mahal ulit. Support system? Madalas wala. Tapos bibigyan mo lang ng one-time P10,000, tapos tapos na?
Hindi ’yan aruga — yan ang “good luck sa buhay” na may kasamang picture taking. Kaya nung binanatan ni Tulfo ang DSWD, hindi siya nag-iinarte. Gumawa lang siya ng totoong trabaho.
Ang gusto ng ibang opisyal, yung pang-maganda sa report – “Implemented 400 beneficiaries.” “Pilot LGU.” “10,000 assistance, awarded.” – tapos picture, upload, tapos.
Pero ang tanong ni Tulfo ay hindi pang-slide deck, “Paano tatagal? Paano lalaki? Paano magiging tunay na Aruga, hindi Aruga-Arugaan?” At kung tutuusin, yung ganitong simpleng tanong, baka ito pa ang pinaka-revolutionary sa social welfare sa tagal ng panahon.
Sa totoo lang! Hindi niya tinanggap yung bare minimum. Hindi siya pumayag sa “pang-press release lang.” Hindi siya natakot sabihing kulang ang budget. At hindi siya nagpa-cute sa ahensiya — tinira niya nang diretso.
Kung hindi maaayos ang Aruga, sino ang talo? Hindi si senador. Hindi si secretary. Hindi si politiko. Ang talo, yung batang walang magawa kung hindi umasa.
Kaya kung merong senador na nagsasabing gawin itong buwanang allowance, lakihan ang coverage, at gawing seryosong programa, hindi pampabango… edi suportahan natin ’yung may utak at may puso.
Hindi kailangan maging Tulfo fan para sabihing may punto yung tao. Sa bansang ang tunay na kahinaan ay hindi korapsyon lang, hindi kahirapan lang kundi ang pagiging manhid sa pinaka-mahina kailangan natin ng lider na kaya magsabi ng Hindi dapat isang bagsak lang. Hindi dapat token. Dapat tunay na aaruga!
At kung ngayon, si Tulfo lang ang may tapang magbarog at mag-utos na “Gawing buwan-buwan ’yan,” eh bakit hindi natin bigyan ng kredito yung taong gumigising sa bulok na sistema?
