Pilipino Star Ngayon
September 12, 2025 | 12:00am
SANA ituro sa textbooks. Nu’ng Sept. 13, 1900 naganap ang isa sa pinakamatagumpay na laban ng Pilipino kontra kolonyalistang Amerikano.
Nalaos sa Pulang Lupa, Marinduque ang isang U.S. military detachment sa ilalim ni Capt. Devereux Shields. Hasa sila sa giyera, kumpleto sa armas, at sagana sa pagkain.
Ang Philippine Revolutionary Military unit sa ilalim in Col. Maximo Abad ay hindi lang kulang sa riple; paling pa kung bumaril ang mga sundalo. Gutom din sila. Pero nag-aalab ang puso para sa kalayaan.
Misyon ni Shields bihagin si Abad. Kasama ang 54 riflemen, binulabog nila ang mga baryo patungo sa bundok. Sinuplong ng mga mamamayan kay Abad ang kilos ng mga dayuhan.
Tinipon ni Abad ang 180 sundalong Pilipino sa Pulang Lupa, gilid ng bundok. Minobilisa niya rin ang 1,000 taga baryo na armado ng bolo.
Tinambangan ng mga sundalo ni Abad ang puwersa ni Shields. Nilinlang nina Abad ang mga Amerikano na pumasok sa patibong. Habang nagbabarilan, inatasan ni Abad ang 1,000 bolomen na harangan ang likuran ng puwersang Amerikano.
Napansin ni Shields na napaligiran na sila. Inutos niya ang dahan-dahang pag-atras. Pero nasiraan ng loob ang mga Amerikano. Nagkanya-kanyang takbo paalis.
Apat na kilometro sila hinabol ng mga Pilipino. Sa isang makitid at maputik na palayan naipit ang mga kalaban. Inubos sila roon.
Napabalita sa Washington, DC ang kahiya-hiyang pagkatalo ng Amerikano. Maghahalalan pa naman ng pangulo. Tinalo ni President William Mckinley ang anti-imperyalistang si William Jennings Bryan.
Malupit na gumanti si Gen. Arthur MacArthur sa Marinduque. Pinagkaitan ng pagkain ang mamamayan, isang conflict crime. Makalipas ang ilang buwan, napilitang sumuko si Abad. Pero bayani siya.