Sa kulungan nga kaya magki-Christmas?

by Philippine Chronicle

BANAT NI BATUIGASBening Batuigas – Pilipino Star Ngayon

November 15, 2025 | 12:00am

MAY mga bagong testimoniya ang resource persons sa muling pagbabalik ni Senator Panfilo Lacson bilang pinuno ng Senate Blue Ribbon Committee. Nagsalita si dating Department of Public Works and Highways Undersecretary Roberto Bernardo at tinukoy na may kinalaman sina dating DPWH secretary Manuel Bonoan at dating Usec. Cristina Cabral.

Ang masaklap, hindi na maisasalang si Bonoan dahil nakaalis na ito ng bansa. Umalis siya noong nakaraang linggo patungong U.S. Kaya’t maghihintay na naman ng pagkakataon na maimbita si Bonoan at mausig ng mga senador sa kinalaman nito sa maanomalyang flood control projects.

Una nang tinukoy sina dating DPWH Engineers Henry Alcantara, Brice Hernandez at Jaypee Mendoza at mag-asawang contractors na Curlee at Sarah Discaya na nasa likod ng maanomalyang proyekto ng DPWH.

Pero sabi ng mag-asawang Discaya huwag naman silang pagbuntunan ng galit sa pagkawaldas ng pondo ng DPWH dahil hindi lang naman sila ang nakinabang. Sa testimoniya ni Sarah, malinaw na may mga kasangkot pang mga mataas na opisyal ng pamahalaan at mga pulitiko.

Pero bago matukoy ang mga opisyal, palagay ko, kailangang dumaan muna sa butas ng karayom bago malaman kung sinu-sino sila at gaano karami ang nakamal nilang salapi.

Sa totoo lang, dama ko ay naiinis na ang mamamayan sa kabagalan ng imbesitigasyon. Dalawang buwan na ang ICI na nilikha ni PBBM pero hanggang ngayon wala pang nakukulong.

Sa palagay ko, hindi sapat ang pahayag ni PBBM na magki-Christmas sa kulungan ang mga magnanakaw. Ang kailangan ay makita ng taumbayan ang katibayan. Kung wala, mahirap mapaniwalaan ang sinasabi na sa kulungan magpapasko ang mga inaakusahan.

Samantala, nakakaawa ang kalagayan ng ating mga kababayan na sinalanta ng bagyong Tino at Uwan. Walo ang namatay kay Uwan at maraming bahay at ari-arian ang nasira. Tinamaan ang Aurora province at kalunus-lunos ang sinapit ng mga kababayan doon.

Grabe rin ang pinsala sa Tuao, Cagayan na grabe ang rumagasang baha. Inanod mula sa bundok ang mga troso at sinagasaan ang mga bahay na ikinasira ng mga ito. Ayon sa aking nalaman, illegal logging ang dahilan ng baha. Rampant daw ang illegal logging.

Hanggang ngayon naman ay marami pa ring kababayan natin sa Cebu ang humihingi ng tulong makaraang salantain ng Bagyong Tino. Nasa 188 ang namatay sa bagyo. Grabe rin ang baha sa Cebu at tinurong dahilan ang pinatag na bundok at tinayuan ng mga bahay. Mistulang rice terraces ang itsura. Marami raw punongkahoy ang pinutol para maitayo ang mga bahay.

Sa palagay ko dapat maimbestigahan kung paano naitayo ang mga bahay sa bundok. Paano nakakuha ng permit sa lokal na pamahalaan at DENR.


You may also like

Leave a Comment

Are you sure want to unlock this post?
Unlock left : 0
Are you sure want to cancel subscription?
-
00:00
00:00
Update Required Flash plugin
-
00:00
00:00