December 3, 2025 | 12:00am
SA panahong ang pulitika ay nagmumukhang circus at ang social media ang bagong entablado ng kapangyarihan, hindi na nakakagulat na may isang mambabatas na tulad ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga ang nasangkot sa iskandalong walang pinagkaiba sa ginagawa ng ilang influencer na naghahabol lang ng views.
Pero ang mas nakakabahala dito, kongresista siya. Kinatawan siya ng bayan. At milyon ang kabataang nanonood diumano sa asal niyang parang biro ang pagiging lingkod-bayan.
Hindi puwedeng balewalain ang 60-days suspensiyong ipinataw ng House Ethics Committee. Hindi lang ito kuwento ng isang pulitikong naparusahan, kuwento ito ng kultura ng kawalang-disiplina na unti-unting gumagapang sa loob mismo ng institusyong dapat simbolo ng respeto at responsibilidad.
Bakit dapat itong ikabahala ng kabataan? Dahil sa bawat kabataang nagbubukas ng TikTok o YouTube, may pagkakataon silang makita ang isang mambabatas na nagpo-post ng mga biro tungkol sa pagsunog ng Kamara, nagbibitaw ng insultong parang pang-group chat lang ng mga magbarkada, at nagsasabing nalate siya sa hearing dahil naglaro daw siya ng computer games.
Anong aral ang ibinibigay nito sa kanila? Na puwedeng gawing punchline ang responsibilidad? Na puwedeng balewalain ang tungkulin basta may pa-joke? Na puwedeng umano manalbahe sa trabaho at idahilan ang gaming?
Kung ganito ang nakikita ng kabataan sa taong nasa posisyon ng kapangyarihan, huwag tayong magtaka kung bakit lumalakas ang kultura ng “wala lang, trip ko lang” sa pulitika at sa buhay-bansa.
Kung ang ordinaryong empleyadong nalate dahil nag-ML o nag-DOTA ay puwedeng mapagalitan o matanggal, bakit ang isang mambabatas ay puwedeng umasta umano nang parang walang pakialam?
Kung ang estudyanteng nagpasa ng project late ay kailangan magpaliwanag, bakit ang mambabatas na lumalabag sa ethics ay puwedeng magpaka-komedyante sa social media?
Itong suspension ay hindi simpleng disciplinary action, ito ay public reminder na may hangganan ang kalokohan, na may responsibilidad ang bawat taong binigyan ng mandato ng mamamayan.
Ang dapat maunawaan ng kabataan ay ang public office is a public trust. Hindi ito cosplay o content creation trabaho ito. Ang asal ng pulitiko ay may epekto sa kultura ng kabataan.
Kapag sineryoso nila ang responsibilidad, mas nagiging inspirasyon sila. Kapag nilapastangan nila ito, nagiging lason sila. Karapatan ng kabataan humingi ng mas mataas na pamantayan. at Hindi dahil matanda o nasa posisyon ay tama na. Hindi dahil sikat ay dapat tularan.
Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, hindi lang ito tungkol kay Barzaga, ito ay tungkol sa klase ng lipunang pinapanday natin. Kung papayagan nating gawing biro ang Kongreso, mauuwi rin tayong bansa na parang biro ang demokrasiya.
Kung papayagan nating umastang parang walang accountability ang mga halal na opisyal, huwag tayong umanga kung bakit wala ring pag-angat sa kalidad ng pamamahala.
Ang kabataan ngayon ay may mas matalas na mata kaysa dati. Nakikita nila ang kabobohan, ang panggagago, at ang kawalang-hiyaan at kaya nilang hingin ang pagbabago. Ang suspension ni Barzaga ay dapat magsilbing babala sa lahat ng opisyal hindi na uso ang pulitikong pa-cool pero walang substance. Mas inuuna na ng kabataan ang integridad kaysa viral moments.
Sa panahong puno ng ingay ang mundo, panahon na para seryosohin natin ang mga dapat seryosohin at para balikan ng mga lider natin ang tunay na kahulugan ng pagiging lingkod-bayan hindi sikat, hindi maingay, kundi may dangal.
Disklaymer: Ito ay opinyon batay sa pampublikong impormasyon at pagsusuri sa kultura at implikasyon ng pangyayari. Hindi ito legal na konklusyon o pormal na hatol.
