Pasabog ni Imee | Pilipino Star Ngayon

by Philippine Chronicle

BANAT NI BATUIGASBening Batuigas – Pilipino Star Ngayon

November 22, 2025 | 12:00am

MARAMING nagulantang sa mga sinabi ni Sen. Imee Marcos sa kanyang kapatid na si Pres. Bongbong Marcos sa pagtitipon ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Quirino Grandstand noong Linggo. Sinabi ni Imee na adik ang kanyang kapatid at ganundin ang maybahay at anak nito. Sinabi niya ito sa harap nang napakaraming tao. Hindi na tinapos ng INC ang nakatakdang tatlong araw na rally.

Maski si Senate Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Panfilo Lacson ay nagpahayag na hindi maka-Pilipino si Imee dahil sa mga sinabi nito kay PBBM. Sa halip na tumulong si Imee sa pagkakaisa ng mga nagkakawatak-watak na mga Pilipino, dumakdak pa siya na sa palagay ko ay ikasisira ng Presidente.

Sa mga sinabi ni Imee, tiyak na matatakot na ang mga dayuhang negosyante. Baka dumating ang araw na mag-atrasan sila at hindi na mag-invest sa bansa. Kapag nangyari yan, sasadsad na naman ang ekomomiya.

At walang maapektuhan kundi ang mga mahihirap o ang mga “isang kahig isang tuka” na kababayan. Lalong masasadlak sa kahirapan at kapag lumala ang kahirapan, darami ang krimen.

Nalaman ko na kaya raw nanggagalaiti si Imee kay PBBM ay dahil may ambisyon ito na maging Vice President ni Sara Duterte sa 2028 presidential election. Totoo kaya ito? At isang paraan daw para mapansin si Imee ay ang magsalita ng mga hindi magaganda sa kapatid na si PBBM.

Pero napakalayo pa ng 2028 elections para magkaganito si Imee. Parang wala pa sa panahon ang kanyang pagbanat sa kapatid. At bakit ang kapatid ang kanyang binabanatan?

Palagay ko palabas lamang ang mga ginawa  ni Imee para maibaling ang istorya at maisalba ang mga pulitiko na gahaman sa pera ng bayan.

Isa pang pinagtataka, tinaon pa ni Imee ang paninira sa kapatid sa panahong ang taumbayan ay nagagalit dahil sa paglustay ng pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay sa flood control projects. Marami nang sinampahan ng kaso at sabi mismo ni PBBM ay sa kulungan magpapasko ang mga sangkot sa anomalya. Pero sabi ni DPWH Vince Dizon, maaaring Nobyembre pa lamang ay may ipapasok na sa kulungan. Totoo kaya ito o pinalalamig lang ang nagngangalit na taumbayan. Pero sana nga ay totoo dahil maraming nagnanais na makulong na ang mga magnanakaw.

Nahihilo naman ako sa mga isiniwalat ni dating Ako Bikol party-list representative Zaldy Co na si PBBM daw ang nag-utos ng insertion sa 2025 national budget. Malaki raw ang kikbak ni PBBM at maski si dating House Speaker Martin Romualdez.

Isiniwalat ni Co na nagdeliber siya ng male-maletang pera sa bahay ni PBBM at Romualdez. Pati raw sa Malacanang ay nagdeliber siya. At wala raw siyang natanggap na pera. Lahat daw ay napunta kay PBBM. Sabi pa ni Co, si Romualdez daw ang nag-utos sa kanya na mamalagi sa ibang bansa. Pinagbantaan din daw siya na papatayin ni Romualdez.

Panawagan ko kay Co, umuwi siya sa Pilipinas at harapin ang inaakusahan niya. Harapin din niya ang mga palpak na flood projects na ginawa ng kanyang kompanya sa Naujan, Oriental Mindoro. Huwag na siyang magtago dahil ang pagtatago ay nagpapakita na mayroong kasalanan.


You may also like

Leave a Comment

Are you sure want to unlock this post?
Unlock left : 0
Are you sure want to cancel subscription?
-
00:00
00:00
Update Required Flash plugin
-
00:00
00:00