Pamilya, inilihim sa airline na patay na ang kasama nilang lola para makatipid sa transportasyon ng bangkay!

by Philippine Chronicle

MGA KWENTONG WEIRDRonniel Niko B. Halos – Pilipino Star Ngayon

December 26, 2025 | 12:00am

ISANG pamilyang British ang naging sentro ng kontrobersiya at imbestigasyon matapos silang akusahan ng mga kapwa pasahero na sadyang isinakay ang kanilang pumanaw nang 89-anyos na lola sa isang easyJet flight mula Spain patungong London.

Hinala ng mga saksi, ginawa ito ng pamilya upang makaiwas sa mahal na gastos ng “repatriation” o legal na proseso ng pagpapauwi ng bangkay na umaabot sa £4,500 o halos P340,000, kaya pinalabas nilang buhay pa ang matanda habang nagbo-boarding sa eroplano.

Ayon sa mga nakasabay nila sa gate, kapansin-pansin na ang lola ay nakasandal na lamang sa wheelchair, walang kulay, at tila wala nang buhay, ngunit nang sitahin ng ground staff, iginiit ng pamilya na “pagod lang” at “natutulog” ito.

Sa loob ng eroplano, lalong tumindi ang hinala ng mga pasahero nang makita nilang patuloy na kinakausap, tinatapik, at inaalok pa ng tubig ng pamilya ang matanda na tila umaarte silang gising pa ito at “kakausapin” bagama’t wala na itong anumang reaksyon at nakabagsak na ang ulo.

Bago pa man makalipad ang eroplano, napansin ng cabin crew na hindi na humihinga ang pasahero at nang dumating ang paramedics, idineklara itong patay sanhi ng cardiac arrest.

Ang insidente ay nagdulot nang matinding perwisyo at nagresulta sa 12 oras na delay ng flight dahil kinailangang ibalik ang eroplano sa terminal.

Sa kabila ng mga mabibigat na akusasyon ng mga saksi, mariing itinanggi ng easyJet na may kapabayaan sa kanilang panig at iginiit na may hawak na valid na “fit to fly” certificate ang pasahero at namatay lamang ito habang nasa loob na ng cabin.


You may also like

Leave a Comment

Are you sure want to unlock this post?
Unlock left : 0
Are you sure want to cancel subscription?
-
00:00
00:00
Update Required Flash plugin
-
00:00
00:00