December 27, 2025 | 12:00am
SA isang landmark decision na inaasahang magpapabago sa takbo ng mga kasong sibil sa Turkey, kinatigan ng korte sa lungsod ng Kayseri ang divorce petition ng isang misis laban sa kanyang mister dahil lamang sa pagla-like nito ng mga litrato ng ibang babae sa social media.
Inakusahan ng babaing itinago sa alyas na “H” ang kanyang asawang si “B” ng paglabag sa “marital duty of loyalty” at pagpapahiya sa kanya dahil sa madalas na pag-comment at pag-like sa mga posts ng ibang babae online.
Bagama’t dumepensa ang lalaki na selosa lamang ang kanyang asawa at sinisiraan nito ang kanyang reputasyon, nagdesisyon ang korte na ang mga ganitong “seemingly harmless online interactions” ay nagdudulot nang matinding emotional insecurity at tuluyang sumisira sa tiwala ng mag-asawa.
Bilang parusa, inutusan ng korte ang lalaki na magbayad ng 80,000 Turkish lira (mahigit P100,000) bilang compensation at karagdagang monthly alimony na 750 lira.
Ang desisyong ito ay nagsilbing babala sa publiko, ayon sa legal experts, dahil pinatutunayan nito na ang mga screenshots, likes, at digital footprints ay maaari nang gamiting matibay na ebidensiya ng kasalanan sa loob ng kasal.
Dahil sa naging hatol, asahan na umanong mas magiging mahigpit ang pagsusuri ng mga korte sa social media behavior ng mag-asawa bilang basehan ng paghihiwalay.
