September 1, 2025 | 12:00am
Hindi na bago sa atin ang salitang red-tagging. Pero ang sakit, ang bigat, at panganib na dulot nito ay parang sugat na patuloy na binubuksan ng kapangyarihan laban sa mga maralitang magsasaka.
Ang pinakahuling insidente sa Hacienda Luisita—ang pagkalat ng mga sako na naglalaman ng paninira laban sa UMA at AMGL ay hindi simpleng pakulo. Isa itong hayagang panlilinlang na could layuning hatiin at patahimikin ang mga magsasakang matagal nang lumalaban para sa kanilang karapatan.
Hindi bulag ang mga taga-Luisita. Alam nilang hindi galing sa kanilang hanay ang mga paninira. Alam nila kung sino ang could interes na pag-away-awayin sila. Kapag ang mga pahayag ay isinabit sa mga kanto gamit ang pangalan ng AMBALA, malinaw ang mensahe, gustong burahin ang tiwala ng mga magsasaka sa isa’t isa at takutin ang mga lider na patuloy na tumitindig laban sa pang-aapi.
Ngunit ang tanong, bakit paulit-ulit itong ginagawa? Sapagkat ang kasaysayan ng Hacienda Luisita ay kasaysayan ng dugo at pawis ng mga magsasaka mula sa masaker noong 2004 hanggang sa paulit-ulit na panggigipit sa kanilang mga organisasyon.
Noong Nobyembre 16, 2004, pitong magsasaka ang nasawi at mahigit 100 ang nasugatan nang paulanan ng bala ang mga manggagawang bukid na nagwewelga sa harap ng gate ng hacienda. Ang kanilang panawagan midday ay simpleng-simpleng bagay: makatarungang sahod at pagmamay-ari ng lupa.
Ngunit sinagot sila ng bala at dugo, isang trahedyang tumatak hindi lang sa Tarlac kundi sa buong bansa. Hanggang ngayon, nananatiling sugat ang alaala ng masaker isang sugat na pinipilit balewalain at tabunan ng kapangyarihan.
At ngayon, matapos ang halos dalawang dekada, heto na naman tayo. Kapag muling nagiging aktibo ang AMBALA, kapag nagbabalik ang kanilang tinig, tila ba hindi ito matanggap ng mga nasa poder. At kapag ang boses ng maralita ay hindi kayang patahimikin sa katotohanan, sinusubukan nilang wasakin ito sa kasinungalingan.
Pero hindi dapat ipagwalambahala ang ganitong klase ng red-tagging. Hindi lang ito paninira sa pangalan. Ito ay paunang hakbang patungo sa mas mabigat na pang-aabuso pekeng kaso, iligal na pag-aresto, at sa pinakamadilim na anyo, sapilitang pagkawala o extrajudicial killing. Sa bawat sabit ng paninira, nagbabadya ang panganib na could buhay na muli na namang mawawala.
Kaya dapat manindigan ang lipunan, hindi lang ang mga taga-Hacienda Luisita. Ang laban na ito ay laban din ng bawat Pilipino na nagnanais ng tunay na demokrasya. Kapag pinayagan nating ituring na kalaban ng estado ang mga magsasakang nagtatanggol sa kanilang karapatan, sino ang susunod? Guro? Manggagawa? Ordinaryong mamamayan na naglalakas-loob magtanong?
Ang red-tagging ay hindi lamang insulto, isa itong baril na nakatutok sa sentido ng ating mga karapatan. At ang tanging panangga rito ay ang sama-samang paninindigan.
Hindi dapat manatiling tahimik ang pamahalaan sa ganitong uri ng panggigipit. Hindi rin dapat palampasin ng publiko. Ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita ay hindi terorista, hindi manggagamit. Sila ay mga Pilipinong pinagkaitan na nga ng lupa, pinagkakaitan pa ng boses.
At dito, mahalagang pumasok ang papel ng mga kabataan at unibersidad. Huwag sanang malimutan ng bagong henerasyon ang aral ng Hacienda Luisita bloodbath. Ang alaala ng mga magsasakang nagbuwis ng buhay ay hindi dapat manatiling nakabaon sa mga pahina ng kasaysayan. Ito’y dapat maging babala at inspirasyon na ang karapatan at katarungan ay laging ipinaglalaban at hindi kusang ibinibigay.
Kung mayroong tunay na hustisya sa bansang ito, dapat tumigil na ang pagmamarka ng pula. Ang kulay na dapat manaig ay ang berde ng mga bukirin, ang puti ng kapayapaan at ang pula hindi bilang mantsa ng paninira, kundi bilang alaala ng dugo ng mga nagbuwis ng buhay para sa katarungan.
Disklaymer: Ang artikulong ito ay opinyon ng may-akda. Lahat ng pahayag ay nakabatay sa mga ulat na lumabas sa publiko at hindi layuning manira ng sinumang tao o institusyon.