November 14, 2025 | 12:00am
Isang mister sa Krasnoyarsk, Russia, ang nahaharap ngayon sa posibleng pagkakakulong matapos gumawa ng isang pambihirang palusot para lamang makaiwas na sumama sa kanyang asawa na mag-shopping: ang magpanggap na na-carnap ang kanyang kotse!
Ayon sa pulisya, nagsimula ang insidente nang tumawag ang misis ng salarin sa emergency hotline upang iulat na ang Toyota Corolla ng kanyang mister ay ninakaw mula sa kanilang parking lot. Gayunman, makalipas ang ilang sandali, tumawag muli ang misis at sinabing “natagpuan” na nila ang sasakyan sa Otdykha Island sa parehong lungsod.
Nang dumating ang mga pulis upang siyasatin ang “narekober” na sasakyan, nakakita sila ng mga senyales ng forced entry at isang sirang ignition switch, na tila nagpapatunay na ito ay puwersahang binuksan.
Ngunit nang simulan nilang tanungin ang mister, nagsimula silang magduda. Habang tumatagal ang interogasyon, lalong nagiging hindi kapani-paniwala ang kanyang salaysay.
Pagkatapos suriin ang lahat ng ebidensiya, napagpasyahan ng mga pulis na ang lalaki ay nagsinungaling at siya mismo ang may gawa ng lahat. Ayon sa mga awtoridad, ang mister ay “nagpanggap na naging biktima ng carnapping bilang isang excuse para makatakas sa isang shopping trip kasama ang kanyang misis.”
Kahit na walang criminal record ang mister, ang kanyang ginawang palusot ay nagdulot sa kanya nang malaking problema. Isang criminal case ang binuksan laban sa kanya sa ilalim ng Article 306 (“Knowingly False Denunciation”) ng Russian Criminal Code. Maaari siyang makulong ng dalawang taon.
