November 1, 2025 | 12:00am
1. Abnormal na pagdurugo – Maraming bagay ang nakaaapekto sa regla ng babae, tulad ng pagbaba ng timbang, sobrang ehersisyo at stress. Madalas na kusa itong bumabalik sa normal at hindi na kailangan gamutin.
Ngunit kung ang iyong dalaw ay patuloy na hindi regular, malakas o mas tumatagal ang pagdurugo, dapat nang kumunsulta sa OB-Gyne.
Kung may pagdurugo pagkatapos ng pagtatalik, o sa pagitan ng regla, magpa-check-up din. Kung naranasan ang pagdurugo pagkatapos mag-menopause, maaaring tanda ito ng kanser.
2.Bukol sa suso – Mga 10 percent ng mga kababaihan na may bukol sa dibdib ang nagkakaroon ng kanser. Minsan, normal na may mga bukol sa suso na nagsama-sama (tinatawag na fibroadenoma), o kung minsan ay cyst lamang.
Karaniwan na nagkakaroon ng mga maliit na bukol kung parating na ang regla. Pero kung hindi ka sigurado sa sanhi ng bukol, kinakailangan magpatingin sa doktor. Ang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng babae ay kanser sa suso.
3.Hindi normal na discharge – Ang normal na discharge mula sa puwerta ay malinaw o puti ang kulay at walang amoy.
Pero kung ang discharge ay kulay dilaw, brown o pula, at may mabahong amoy, maaaring tanda ito ng mga sakit.
Ang kadalasan dahilan ng ganitong discharge ay impeksiyon tulad ng bacterial vaginosis o thrush, at mga STD tulad ng chlamydia, gonorrhea at herpes.
Kapag hindi magamot ang STD, maaaring humantong sa pelvic inflammatory disease impeksiyon sa reproductive organs, na maaaring maging malubha at mawalan ng kakayahan na magbuntis.
Posible rin na kanser sa cervix ang dahilan ng abnormal discharge. Kumunsulta sa OB-Gyne.
