Mas maraming nagnanais magkaanak ng babae

by Philippine Chronicle

SAPOLJarius Bondoc – Pilipino Star Ngayon

October 31, 2025 | 12:00am

DUMARAMI ang magulang na nagnanais na magkaanak na babae kesa lalaki. Nagulat ang Economist Magazine sa pag-aaral na pandaigdigan.

Milemilenyo nang kasaysayan na pabor sa pamilya ang maraming anak na lalaki. Pero para mas makita ang pagba­bago, sinimulan ng Economist ang pag-aaral sa dekada 1980.

Naging mura noon ang ultrasound ng embryo gender. Epekto: Sa mga mag-asawang desperado magkaanak o limitado sa isang anak lang tulad sa China, nauso mag-abort ng babae. Sa buong mundo nabatid na “may nawawalang” 1.2 milyong babae, batay sa normal na sex ratio.

Ngayong 2025 tinatayang magiging 200,000 na lang ang “kulang” na babae. Malamang pa ngang magbaliktad na: mas darami ang babae.

Ang normal na ratio ay 105 lalaki sa 100 babae. Dati-rati sa China ang ratio ay 117.8 lalaki sa 100 babae, pero nga­yon 109.8 na lang. Sa India na dati’y 109.6 na lalaki, ngayo’y 106.8 na lang. Sa South Korea balik na sa normal, mula sa kahindik-hindik na 115.7 lalaki. Sa Japan mas nais ng mga magulang ang babae kung ang plano ay isang anak lang.

Sari-saring rason kung bakit pabor na ngayon sa babae. Mas inaasahang aalagaan ng babae ang tumatandang magulang. Mas madaling magpalaki ng babae at pahalaga­han ang ugali nito.

Nag-aalala rin ang mga magulang sa lalaki. Mas mala­mang­ mapa-trobol ang lalaki; 93 percent sila ng mga bilanggo sa mundo. Mas masipag, mas matiyaga, mas matalino ang babae; 54 percent sa kanila ay graduate ng kolehiyo, kum­para sa 41 percent lang na lalaki.

Dahil dumarami na ang babae, nababawasan ang pagba­barumbado ng mga binata na walang magawa. Kumukonti ang kaso ng panggagahasa bilang katuwaan. Nahuhupa ang panda­rambong at civil war ng mga tribu kontra tribu na naghahanap ng mga mapapangasawa. Mapayapa kung maraming babae.


You may also like

Leave a Comment

Are you sure want to unlock this post?
Unlock left : 0
Are you sure want to cancel subscription?
-
00:00
00:00
Update Required Flash plugin
-
00:00
00:00