Kailangang paghandaan ng lahat ng motorista ang pagkukumpuni ng kahabaan ng EDSA itong kalagitnaan ng June. Ito ay ayon sa Department of Transportation (DOTr) at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon baka abutin ng isa’t-kalahating taon ang pagsasaayos ng EDSA. Aminado siya na mas lalong sasama ang masama nang sitwasyon ng trapik sa nasabing daanan.
Sa ngayon ay wala pang inilalabas na plano ang anumang ahensiya kung paano tukuyin ang problemang iyan. Ang isa sa plano ay suspindihin ang pagsingil sa ilang kahabaan ng Skyway.
Pinag-aaralan pa ng lahat kung ano ang pinakamaayos na gawin para sa siguradong nakatutuyong-dugo na trapik. Kung anuman ang mga planong iyan ay sana ipatupad sa lahat.
Baka naman may mga VIP o kung sinong opsiyal na hindi naman otorisadong gumamit ng wang-wang, escort o ano pa para lang mapabilis ang takbo sa kalsada. Dapat bawal lahat iyan at tanging mga tunay na otorisadong gumawa niyan ang pahintulutan. Magawa kaya nila?
Ang isa pang nakikitang solusyon ay patuparin ang No Contact Apprehension Policy (NCAP) ng MMDA. Pansamantalang ipinatigil ito ng korte dahil may umalma sa laki ng multa na kailangan niyang bayaran dahil sa mga umano’y paglalabag sa trapik.
Ang pangangatwiran naman ng MMDA ay hindi na nila kailangang pahintuin ang mga lumalabag, makipag-diskusyon at ano pa. Magiging tuluy-tuloy lamang ang daloy ng trapik. Ang camera na lang ang huhuli sa iyo at makatatanggap ka na lang ng sulat na may kailangang bayaring multa.
Pero dito nagkaroon ng problema kasi hindi ka man lang nabigyan ng pagkakataong kuwestyunin ang paghuli. Sa totoo lang hindi ko rin alam kung paano mapapatupad ito nang maayos. Kung mabibigyan naman ang pagkakataong kuwestyunin ang paghuli, baka buwan naman ang abutin sa rami ng lalabag. Sa pag-counterflow pa lang ng maraming sasakyan ang dami na niyan.
Tiyak na malaking sakit ng ulo ito sa lahat. Pero kailangan na daw gawin dahil matagal na ang huling pagkukumpuni ng kahabaan ng EDSA. Tagpi-tagpi na lang ang nagaganap.
Pero naaalala ko na kaya naman nilang bakbakin ang ilang bahagi na konkreto, ayusin ang lupain at buhusan ng semento, lahat iyan sa loob ng tatlong araw o Biyernes ng gabi hanggang Lunes ng madaling araw.
Ganito rin kaya ang gagawin o mga mas mahabang bahagi ang papalitan at buong araw na magtatrabaho? Anuman ang gagawin, maghanda na lahat. Planuhin ang mga lakad, pag-aralan ang mga paglilihisan at ang pinaka mahalaga, habaan ang pasensya.