November 28, 2025 | 12:00am
NILANTAD na ang kanilang pandarambong, pagpatay, pandaraya, pagsisinungaling. Pero loyal pa rin ang marami. Bakit gan’un?
Bulag na debosyon. May mga sumosuporta, naniniwala pa rin kahit sablay ang lider. “Identity fusion” ang tawag d’yan ng social psychologists. Nadikit na masyado ang identity niya sa identity ng lider. Kapag inaatake ang lider, inaatake na rin siya. Kaya panay ang depensa.
Kolektibong pag-iisip. Kapag ang pamilya, barkada, komunidad ay panatiko sa isang politiko, nakiki-ayon ang konti. Ayaw nilang mapag-iwanan. Nakiki-idolo na rin. Walang isip-isip.
Troll propaganda. Nagpapadala sa sabi-sabi ng trolls, na mula sa propaganda army. Nagpapaniwala sa socmed influencers at content creators na bayaran ng politiko. Nagpapadala siya sa script nila. Akala ay lehitimong media outlet ang pinapanood, pinapakinggan, binabasa.
Pili ang minememorya. Maikli ang memorya ng marami. Nakakalimutan kung gaano ang inutang, winaldas, binusabos ng iniidolong politiko. Naaalala lang na matapang, nakakatawa, naiiba kuno. Hindi inuusisa kung bakit nasadlak ang bansa.
Emosyonal na katapatan. Ang suporta ay hindi galing sa utak kundi sa puso. Nakiramay ang politiko, namudmod ng ayuda, kinamayan at nginitian siya. Tinanaw nang habambuhay na utang na loob maski mandambong pa ang lider. Dapat ang tunay na malasakit ay hindi sa indibidwal, kundi sa bayan. Utak hindi emosyon ang pairalin.
Pagod na sa sitwasyon. May mga wala nang pinaniniwalaan na lider, wala nang pag-asa sa pagbabago. Ayaw nang makinig sa alternatibo. Piliin na lang daw natin ang lesser evil. Hindi naman ito laban ng Marcos o Duterte. Laban ito ng kung ano ang mabuti para sa bayan, at kung ano ang maiaambag natin dito. Kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos; kung hindi ngayon kailan pa?
(Malaking pasasalamat sa Facebook page ni Balik Values.)
