Anag katatapos na halalan ang huling baraha natin sa mithiing magkaroon tayo ng matinong gobyerno.
Kung ikaw’y galit pa rin porke may mga kandidato kang inaayawan na nakapasok, o kaya’y nagmumukmok dahil yung mga gusto mo ay hindi nakalusot, huwag nang mag-inarte. Lalong walang kahihinatnan ang ating pangarap para sa mabuting pamamahala.
Ako, masaya na dahil tatlo sa mga senatorial choice ko ang pumasok at topnotcher pa. Ngayong tapos na ang halalan, may maaasahan kaya tayong positibong pagbabago para marating na natin ang political peace? Depende sa susunod na kabanata.
Sa tingin ko, masalimuot at magulo pa rin at ang digmaan ng dalawang political faction ay magpapatuloy. Kailan?
Sa pag-usad ng impeachment trial kay Vice President Sara Duterte. Dapat sana, ngayong may mga bagong mambabatas at local na opisyal nang nahalal ay puwede nang umasa at umasam ng mabuting pagbabago.
Ngunit kung may impeachment trial, ang natural na konsekuwensiya niyan ay mga bangayan at palitan ng mga masasakit na salita sa kampo ng ini-impeach na opisyal at kampo ng administrasyon. Suma-total, mawawala muli sa focus ang maayos na pamamahala.
Sana ay huwag namang mangyari ito para naman makatikim tayo ng kaayusan sa kalagayang pampulitika ng bansa. Ito’y mahalagang bagay na dapat nating ipanalangin. Samantala, itigil na muna ang panlalait sa mga talunan na para bang ginagadgad natin ng asin ang kanilang sugat. Move on na tayo!