Pilipino Star Ngayon
November 22, 2025 | 12:00am
PAGBABAYARAN ang lahat ng mga ginawang kasalanan. Namayagpag noon si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo (aka Guo Hua Ping) pero mayroon ding katapusan ang lahat. Hindi akalain ni Guo na ang pamamayagpag niya sa Bamban ay magwawakas pala sa Correctional Institution for Women. Ang marangya niyang pamumuhay ay mababaliktad at bubunuin niya ang buong buhay sa bilangguan.
Noong Huwebes, hinatulan si Guo ng Pasig City Regional Trial Court Branch 167 ng habambuhay na pagkabilanggo dahil sa qualified human trafficking kaugnay ng pagkakasangkot niya sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa Baofu Compound sa Bamban. Bukod kay Guo, pitong iba pa ang hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo.
Napatunayan ang partisipasyon ni Guo sa pagpapatakbo ng ilegal na operasyon ng POGO at pag-organisa ng human trafficking sa Baofu Compound. Nalantad ang mga ginagawa sa compound makaraang makatakas ang isang biktima at nakapagsumbong sa PAOCC. Sinalakay ang compound at na-rescue ang mga Pilipino at dayuhang manggagawa. Sabi ng mga na-rescue na sumailalim sila sa pagmamaltrato, at torture.
Bukod sa habambuhay na pagkakabilanggo, inutusan din si Guo at mga kasama na magbayad ng P2 milyon na multa bawat isa. Ang pagkakahatol kay Guo ay itinuring na pinakamabigat na hatol sa mga sangkot sa human trafficking.
Noong nakaraang Hulyo 2024, tumakas ng bansa si Guo, ang pinsan na si Shiela Guo at Cassandra Li Ong. Hindi malinaw kung paano sila nakalabas ng bansa at nagtungo sa Indonesia. Dahil sa pagtakas ni Guo, sinibak ni President Ferdinand Marcos ang Immigration commissioner.
Unang naaresto ng Indonesian authorities sina Shiela at Cassandra noong Agosto 20, 2024 samantalang naaresto si Alice Guo noong Set. 4, 2024. Sinundo si Alice Guo nina DILG Sec. Benhur Abalos at PNP chief Rommel Marbil.
Nagwakas na ang pamamayagpag ni Guo at maaring sa kulungan na niya gugulin ang malaking bahagi ng kanyang buhay. Pagdurusahan niya ang nagawang kasalanan at sana maging aral ito sa iba pa. Ang lahat ng kasamaan ay may katapat na kaparusahan.
Sa pagkakahatol kay Guo, hindi pa rin naman dapat tumigil ang mga awtoridad upang ganap na mabuwag ang POGO sa bansa. Sa kabila na may batas nang nagbabawal sa POGO, marami pa rin ang illegal na nag-o-operate. Marami pa rin ang lumalabag sa batas. Huwag hayaang mabuhay ang pinatay na POGO na tinuring na salot sa bansa.
