Pilipino Star Ngayon
December 25, 2025 | 12:00am
Noong nakaraang taon (2024) na ipinagdiwang ang Pasko at Bagong Taon, nasa 188 katao ang napinsala ng paputok. May naputulan ng daliri, nabulag at iba pang matinding pinsala sa katawan. Ayon sa Department of Health (DOH), hindi sila nagkulang sa paalala na huwag gumamit ng mga paputok sapagkat habambuhay na tataglayin ang pinsala ng paputok. Walang magandang ibubunga ang paggamit ng mga paputok.
Ngayong 2025 nagpapaalala muli ang DOH sa mamamayan, na huwag gumamit ng paputok. Matuto na sa mga nangyaring trahedya na dinulot ng paputok. Ngayon, sinasabing mas matitindi ang mga ibinibentang paputok na sinasabing pati eardrum ay nawawasak dahil sa lakas. Kayang basagin ang mga salamin ng bintana sa sobrang lakas. Babala ng mga awtoridad, ang mga bubog na nabasag dahil sa malakas na paputok ang nagdudulot ng malubhang sugat sa tatamaan.
Matagal nang isinusulong ang total ban sa paggamit ng paputok subalit hindi ito maipatupad. May mga mambabatas na naghain ng panukalang batas ukol dito pero hindi pa rin maisakatuparan. Noong termino ni dating President Rodrigo Duterte, inilabas niya ang Executive Order 28 na nagbabawal sa paputok. Matapos ang termino ni Duterte balik uli ang paggamit ng paputok.
Naghain naman ng panukalang batas (Senate Bill 1144) si Sen. Sherwin Gatchalian, na nagre-regulate sa paggamit ng paputok at iba pang pyrotechnic devices. Wala nang balita sa panukala ni Gatchalian.
Kabilang sa mga firecrackers na ipinagbabawal ay ang mga sumusunod: Super Lolo, Goodbye Bading, Lolo Thunder, Atomic, Triangle, Mother Rockets, Goodbye Philippines, Giant Bawang, Giant Whistle Bomb, Atomic Bomb, Large-size Judas Belt, Goodbye Delima, Goodbye Napoles, Coke-In-Can, Watusi, Poppup, Pla-pla, Piccolo at Five Star.
Pero sa kabila na bawal ang mga ito, napakarami pa ring makikita na gumagamit. Hindi ba tinutupad ng PNP ang tungkulin na hulihin ang mga nagbebenta ng mga delikadong paputok?
Nagsasagawa ba ng pagsalakay ang PNP sa mga bahay na pinaniniwalaang iniimbakan ng mga paputok?
Isa pa rin sa dapat tutukan ng PNP ay ang bentahan ng paputok on line. Kabilang sa binibenta on line ay ang: Super Yolanda, Boga, Kwiton, Hello Columbia, Bin Laden, Pillbox, Kabasi, Tuna, Goodbye Chismosa, King Kong at Dart Bomb.
Kumilos sana ang PNP upang mapigilan ang pagbebentahan ng paputok mapa-online man o sa bangketa.
