Pilipino Star Ngayon
November 21, 2025 | 12:00am
Sampung araw na lamang ang natitira sa Nobyembre. Sabi ni DPWH Secretary Vince Dizon, bago matapos ang Nobyembre, may makukulong ng mga sangkot sa flood control projects. Hindi na raw aabutin ng Disyembre. Mapapaaga raw ito. Unang sinabi ni Dizon noong nakaraang buwan na sa kulungan magpa-Pasko ang mga sangkot. Pinanghahawakan ng mamamayan ang mga sinabi ni Dizon. Naniniwala ang mamamayan sa katotohanan ng mga sinabi ni Dizon.
Hindi lamang si Dizon ang nangako, maski si President Ferdinand Marcos Jr. ay nagsabi na sa kulungan magpa-Pasko ang mga inaakusahang nagbulsa ng pondo para sa flood control projects. Sabi ni Marcos, walang “merry” sa Pasko ng mga sangkot sa anomalya. Sa kulungan umano sila magpa-Pasko.
Ang mga pangakong ito ang inaabangan ng mamamayan. Kapag hindi natupad ang ipinangako, magdudulot ito ng mga kaguluhan. Hindi matatahimik ang mamamayan na matagal nang nagnanais na maparusahan ang mga nagkamal ng pera sa pondo ng bayan. Nagsasawa na ang mamamayan sa talamak na pangungurakot at ang nais nila, mapanagot ang mga mandarambong. Tama na ang pangungurakot, tigilan na ang pagsasamantala.
Habang marami ang naghihirap, marami ang walang makain at marami ang mga may sakit na namamatay na hindi nakatitikim ng gamot at hindi na nadadala sa ospital, marami namang nagpapasasa sa pera ng bayan.
Habang marami ang nagtitiis sa karampot na kita, hindi naman matapus-tapos ang alegasyon na nagdeliber ng male-maletang pera. Habang marami ang nahihirapan sa walang katapusang baha, patuloy naman ang mga sukab sa pagsasamantala at walang patid sa paggastos ng pera sa casino. Habang ang nakararami ay nakikipag-agawan sa pagsakay sa dyipni at MRT, marami naman ang hindi pa nasisiyahan sa pagkakaroon ng mga mamahaling sasakyan—Lamborghini, Chedeng at BMW.
Huwag biguin sa kanilang inaasahan ang mamamayan. Nakamarka na sa kanila at nakatanim na sa isipan na magpa-Pasko sa kulungan ang mga kawatan. Hindi magkakaroon ng “merry” ang Pasko ng mga mandarambong.
Tuparin ang mga ipinangako na may makukulong. Ang hindi pagtupad sa mga sinabi ay magdudulot lamang ng kaguluhan at kawalan ng katiwasayan. Sawang-sawa na ang mamamayan sa korapsiyon sa pamahalaan. Gawing “merry” ang Pasko ng mamamayan, ikulong ang mga kawatan!
