EDITORYAL – Rice import ban ituluy-tuloy na

by Philippine Chronicle

Pilipino Star Ngayon

November 3, 2025 | 12:00am

MAY magandang epekto sa presyo ng palay ang dalawang buwan na rice import ban na ipinag-utos ni President Ferdinand Marcos Jr. noong Agosto. Sinuspende ni Marcos ang rice import noong Setyembre 1 na tumagal hanggang Oktubre 31. Sa loob ng dalawang buwan na import ban ng bigas, tumaas nang bahagya ang farm gate price ng palay. Ayon sa report, mula sa P9 per kilo ay naging P11 per kilo na ang palay. Tumaas ng P2.

Sabi ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pagtaas ng presyo ng palay ay epekto ng import ban. Imumungkahi umano niya kay President Marcos na palawigin pa ang suspension sa pag-angkat ng bigas upang tumaas pa ang presyo ng palay. Kahapon, pinalawig na ng Presidente ang rice import ban hanggang Disyembre 31, 2025. Dalawang buwan na tigil ang pag-angkat ng bigas. Ilalabas ngayong araw na ito ang Executive Order na magpapalawig sa import ban ng bigas.

May nakita nang epekto sa presyo ng palay ang pagpapatigil sa pag-import ng bigas kaya nararapat pa itong ipagpatuloy. Ang P11 per kilo ng palay ay lubhang napakababa pa kaya dapat huwag nang alisin ang import ban. Ituluy-tuloy na hanggang sa maabot ang mataas na presyo ng palay. Ito ang nararapat na gawin para matulungan ang mga magsasaka. Lubhang kawawa ang kalagayan ng mga magsasaka na  binibili lang sa mababang halaga ang ani nilang palay. Pinagsasamantalahan sila ng mga ganid na rice traders.

Kapag anihan, binabarat ng palay traders ang mga magsasaka. Masyadong mura kung bilhin ang aning palay. Wala namang magawa ang mga magsasaka sapagkat kailangan nila ng pera. Kumakapit sila sa patalim. Matagal nang nagdaranas nang pambabarat ang mga magsasaka sa palay traders.

Dahil sa napakababang halaga, halos wala nang ­kinikita ang mga magsasaka. Nagkautang-utang umano sila para makapagtanim at magpabunga ng palay at kapag naani na, bibilhin nang napakamura. Hindi raw ­makatarungan ang P9 hanggang P10 per kilo ng palay. Saan umano aabot ang ganitong presyo. Paano nila bubuhayin ang pamilya sa napakamurang presyo ng palay.

Malaking tulong sa mga magsasaka ang suspension ng rice importation sapagkat maitutulak nila sa mas mataas na presyo ang palay. Maaring maibenta nila ng P15 hanggang P20 bawat kilo ng palay. Kung ganyan ang presyo ng palay, maaari nang mabuhay nang maayos ang mga magsasaka.

Kasabay sa rice import ban, paigtingin din naman ng pamahalaan ang pagtugis sa rice smugglers. Ang rice smuggling ay malaki ang epekto sa kabuhayan ng mga magsasaka. Kung hindi masasawata ang rice smuggling, babaha ang imported at balewala ang import ban.


You may also like

Leave a Comment

Are you sure want to unlock this post?
Unlock left : 0
Are you sure want to cancel subscription?
-
00:00
00:00
Update Required Flash plugin
-
00:00
00:00