EDITORYAL – Itaas ang tax sa vape products


NAGHAHANAP ng pondo ang gobyerno para ma­ituluy-tuloy ang P20 per kilong bigas sa susunod na taon. Sabi ng Malacañang kapag mayroon nang pondo ang pamahalaan, hindi lamang ang mga senior citizens, 4Ps beneficiaries, pregnant women at single parents ang mabibiyayaan kundi lahat na ng mga Pili­pino. Pero mangyayari lamang ‘yan kung magkakaroon ng pondo. Pero gagawin daw lahat ng Marcos administration ang lahat para ito magkaroon ng katuparan. Umarangkada ang P20 per kilo ng bigas noong Mayo 1 sa Kadiwa Stores.

Isa sa maaring pagkunan ng pondo ng gobyerno ay ang pagtataas sa tax sa vape products. Kung tataasan nang malaking tax ang vape products malaki ang ma­­gagawa para maipagpatuloy ang programa ng gob­yerno para sa murang bigas. Malaki ang makokolekta sa vape products sapagkat sa kasalukuyan, marami nang nahuhumaling sa pagbi-vape. Tumaas ang bilang ng vape users kaya naman ang negosyong ito ay wala sa pagkalugi. Sa tala ng Department of Health (DOH), tumaas ng 40 percent ang vape users noong 2023 mula sa 7.5 percent noong 2021.

Sinabi ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa hearing ng Senate Committee on Ways and Means noong nakaraang linggo na dapat ay mas mataas ang ipataw na tax sa vape products kaysa sa tradisyunal na sigarilyo. Ayon kay BIR assistant commissioner Jethro Sabariaga, dapat mas mataas ang tax sa vape products sapagkat ito ay mas matagal gamitin o i-consume na hindi katu­lad ng sigarilyo. Ang isang pack ng sigarilyo aniya ay 300 beses na nahihithit samantalang ang vape ay 600 beses. Mas matagal gamitin ang vape kaya dapat mas mataas ang ipataw na tax dito.

Ayon pa rin sa BIR official, ang pagtataas sa tax sa vape products ay isang paraan din para ma-discouraged ang kabataan na gumamit nito. Kapag mataas ang tax, magtataas din ng presyo ang vape.

Dalawang mahalagang bagay ang makukuha kapag tinaas ang tax sa vape. Una, magkakaroon ng pondo ang gobyerno at ikalawa, posibleng tumigil na sa bisyo ang mga sugapa sa vape. Alinman sa dalawa, magkakaroon ng pakinabang.

Pero mas mahalaga pa rin na mailigtas sa panganib ang mga kabataan dahil sa pagkahumaling sa vape. Nakababahala na pabata nang pabata ang nagiging sugapa sa e-cigarettes. Sinabi ng DOH, mga estudyan­teng edad 13-15 ang mga nahuhumaling sa paggamit ng vape. Ang vape ay may nico­tine, propylene glycol, carbonyls at carbon mono­xide na nagdudulot ng lung cancer. Noong 2018, na­itala ng Pilipinas ang kauna-unahang vape associated lung injury na kinasangkutan ng isang 16-anyos na babae.

Gawin ang lahat nang paraan para mapigilan ang pagkahumaling ng kabataan sa vape. Ituloy ng BIR ang planong taasan ito ng buwis.





Source link

share it
Facebook
Twitter
LinkedIn
Reddit

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Related Article