EDITORYAL – Edukasyon para sa lahat ng Pilipino

by Philippine Chronicle

Pilipino Star Ngayon

October 31, 2025 | 12:00am

MARAMING Pilipino ang gustong makapag­tapos­ ng pag-aaral upang makakuha ng magandang trabaho at nang magkaroon nang magandang kina­bu­kasan. Kapag walang natapos, mahirap maka­kuha nang maayos na trabaho. Kaya marami ang nagsisikap­ na makapagtapos ng pag-aaral kahit pa mahirap ang sitwasyon. Nagtatrabaho sa araw at nag-aaral sa gabi. Lahat ay gagawin para makatapos ng kolehiyo. Na­ni­ni­wala silang kapag nakatapos ng kolehiyo, malaki ang oportunidad.

Isang magandang ginagawa ng kasalukuyang administrasyon ay ang masigurong lahat nang Pilipino ay makapag-aral. Hindi lang basta marunong bumasa, sumulat at magkuwenta kundi makapagtapos sa lara­ngan na kanilang pinapangarap at inaasam. Gusto ng pamahalaan na lahat ng Pilipino ay makakuha nang sapat na edukasyon.

Noong Miyerkules, nilagdaan ni President Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act No. 12313 na nagtata­tag ng Lifelong Learning Development Framework (LLDF). Layunin ng LLDF na isulong ang universal literacy at mapalawak ang access sa dekalidad na edukasyon para sa lahat ng mga Pilipino.

Nakasaad sa nilagdaang batas, na ang LLDF ang magiging gabay sa pagpapaunlad at pagpapatupad ng lifelong learning program sa mga lungsod, munisi­palidad, barangay, at iba’t ibang institusyong pang-edukasyon sa buong bansa.

Sa ilalim ng batas, magkakaroon ng access sa early childhood care education—mula primary hanggang tertiary level. Magkakaroon din ng access sa adult edu­cation at technical-vocational education. Magbibigay din ng suporta sa mga underrepresented at margina­lized groups. Ang pagkakalagda sa RA 12313 ay labis na pinuri ni Education Sec. Sonny Angara.

Noong Oktubre 18, 2024, nilagdaan ni Marcos Jr. ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Act na naglalayong tugunan ang mga kakulangan sa pagkatuto dulot ng nagdaang pandemya. Ang ARAL Act ay prayoridad na hakbang na tinukoy ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC). Ito ay para sa mga mag-aaral mula Kindergarten­ hanggang Grade 10, partikular na bumalik o nag­babalik sa paaralan matapos magpahinga. Gayundin ang mga hindi umabot sa minimum na antas ng kasanayan sa pagbasa, matematika at agham; at ang mga bumabagsak sa mga pagsusulit batay sa buong taon ng pag-aaral.

Masigasig ang pamahalaan na mapaunlad ang ka­­alaman ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pag-aaral. Matugunan din naman sana ang kakulangan ng mga silid-aralan at mga mahuhusay na guro. Ngayong na­­bulgar na ang kabuktutang ginagawa ng DPWH kaya nagkukulang ang classrooms, malutas na sana ito sa lalong­ madaling panahon. Huwag nang iasa sa DPWH ang paggawa ng mga silid-aralan.


You may also like

Leave a Comment

Are you sure want to unlock this post?
Unlock left : 0
Are you sure want to cancel subscription?
-
00:00
00:00
Update Required Flash plugin
-
00:00
00:00