Pilipino Star Ngayon
November 1, 2025 | 12:00am
ILANG beses nang iniisnab ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa maanomalyang flood control projects. Sa isasagawang pagdinig ng Senado sa Nobyembre 14, inaasahang iimbitahan si Co. Pero gaya ng ginawa niyang pang-iisnab sa ICI, tiyak ding hindi ito sisiputin ni Co. Dito makikita kung talagang may kapangyarihan si Senate President Vicente Sotto III sakali at patuloy na isnabin ni Co ang pagdinig.
Sinabi noon ni Sotto na ipaaaresto niya si Co kung iisnabin ang imbitasyon o subpoena ng Senate Blue Ribbon Committee.
Kamakailan, itinuro si Co at si dating House Speaker Martin Romualdez na tumanggap ng bilyun-bilyong pisong cash na idineliber umano ni Orly Guteza sa bahay ng dalawa. Ayon kay Guteza, inutusan silang magdeliber ng “basura” sa bahay ng dalawang kongresista. Itinanggi ni Romualdez ang akusasyon. Dumalo si Romualdez sa pagdinig ng ICI.
Ang malaking katanungan ay kung bakit hindi kayang pauwiin si Co sa Pilipinas para harapin ang inaakusa sa kanya. Hanggang sa kasalukuyan, hindi malaman kung nasaang bansa si Co. Unang na-report na nasa Spain si Co.
Habang patuloy ang “pagtatago” ni Co, naglalabasan pa ang maraming inaakusa sa kanya kaugnay sa maanomalyang flood control projects. Ang kanyang kompanya ang nakakuha ng bilyon pisong kontrata sa isang project sa Naujan, Oriental Mindoro na napag-alamang substandard at hindi natapos.
May mga flood project din umano si Co sa Bulacan at Davao na ayon sa report ay mga palpak din. Pati ang kapatid umano ni Co ay sangkot din sa anomalya.
Kaya ba ng pamahalaan na pauwiin si Co? Bakit hindi siya natitinag? Hindi ba puwedeng humingi ng tulong ang Pilipinas sa International Criminal Police Organization (Interpol) para mahanap si Co?
Sa pinakahuling report ng ICI, nasa P21 bilyon umano ang kickback na naibulsa ni Co sa maanomalyang flood control projects. Base ito sa mga datos na ibinahagi sa ICI ng mga dating DPWH engineers na sina Henry Alcantara at Brice Hernandez.
Kumilos din sana ang DFA sa kaso ni Co at mapauwi siya para maharap ang mga kaso.
