October 21, 2025 | 12:00am
MATINDING magkomentaryo si Sir Wilfredo Garrido. Samu’t saring mga isyu ang pinupuntusan niya. Nu’ng Sep. 13, sinuri niya ang P51-bilyong pork barrel na tinanggap ni Rep. Paolo “Polong” Duterte nu’ng huling tatlong taon sa poder ng amang President Rody Duterte, 2020-2022.
Pinaskel niya ito sa Facebook. Isina-Pilipino ko:
“Imposible ma-absorb ng Davao City ni Polong Duterte ang P51-bilyong infrastructure projects sa loob ng tatlong taon. Ayon ‘yan sa kaibigan kong kontratista.
“Tatlo ang distrito ng lungsod. At ibubuhos ang halaga sa isa lang.
 
Provincial Government of Davao de Oro
“Limitado sa P50 milyon kada proyekto sa anumang distrito. Ang P51 bilyon ay ‘aabot sa 1,020 proyekto — na mangangailangan ng 130,000 trabahador at 16,200 iba’t ibang uri ng construction equipment.
“Kung isang taon para tapusin bawat kontrata, magkaka-340 proyekto sabay-sabay. Imposible itong pangasiwaan ng iisang engineering district. Duda ako kung nagka-gan’un karaming sabay-sabay na proyekto sa Metro Manila. Pinakamalaking himala ito mula nang pinarami ni Hesukristo ang mga pirasong tinapay at isda.
“Kung lahat ay kalsadang tig-P50 milyon kada kilometro, ang P51 bilyon ay 1,020 kilometro. Hindi na gagalaw ang trapik sa buong Davao City, kasi ang First District ay magiging pinaka-aktibo sa buong bansa.
“Kung puro flood controls lang, magsasala-salabat sa First District ang mga dike, canal, at imburnal. Daig ang Bonifacio Global City.
“Pero may namalas bang ganitong aktibidad sa distrito ni Polong? Talakayin dapat ito ng bagong House infrastructure committee.”
Magandang basehan ang analysis ni Sir Wilfredo Garrido. Maaring tularan ng mamamayan sa lahat ng engineering districts kung saan tumanggap ng limpak-limpak na pork barrel ang kongresista nila.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM)

 
											