December 28, 2025 | 12:00am
MAY kaugalian ang ilang Pilipinong-Intsik na ipangalan ang kanilang ari-arian sa anak na lalaki kahit hindi pa ito ipinapanganak. Ito ang naging ugat ng problemang legal sa kasong ito na may kinalaman sa pagmamay-ari ng lupa at gusali.
Ang lupa at gusali na may sukat na 620 square meters ay ipinangalan ni Pureng sa kanyang panganay na anak na si Angelito. Kahit nasa pangalan ni Angelito ang titulo, si Pureng pa rin ang namahala sa ari-arian at siya ang kumokolekta ng renta mula rito.
Noong Enero 4, 1979, ibinenta ni Angelito ang lupa matapos siyang kausapin ni Jona. Gayunpaman, hiniling ni Jona na ipangalan ang dokumento ng bentahan sa isang batang si Jacinto Cruz, na sinabi niyang pamangkin niya.
Makalipas ang maraming taon, noong Disyembre 2, 1989, pinapirma ni Pureng si Angelito ng isang dokumento na naglilipat ng lupa sa kanyang anak na si Maria, na bunsong kapatid ni Angelito. Ayon kay Pureng, si Maria ang tunay na pinaglaanan ng lupa mula pa noong una.
Pagkatapos nito, muli na namang nilapitan ni Jona si Angelito at hiniling na pumirma ng panibagong dokumento upang kumpirmahin ang bentahang ginawa noong 1979.
Kaya noong Enero 10, 1990, pumirma muli si Angelito ng dokumento na nagsasabing ibinenta niya ang lupa kay Jacinto Cruz. Ginamit ni Jona ang unang dokumento upang maipatitulo ang lupa sa pangalan ni Jacinto.
Nang malaman ito ni Pureng, inalam niya kung paano nailipat ang titulo sa pangalan ni Jacinto. Doon niya nadiskubre na ipinanganak lamang si Jacinto Cruz noong Marso 1, 1980, kaya hindi pa siya buhay noong pinirmahan ang bentahan noong Enero 4, 1979.
Dahil dito, nagpasya ang Korte na walang bisa ang bentahan noong 1979. Ayon sa batas, ang isang kontrata ay nangangailangan ng pagsang-ayon ng mga taong may legal na kakayahan. Dahil hindi pa isinisilang si Jacinto noon, wala siyang legal na personalidad, kaya tama si Pureng na kuwestiyunin ang bentahan.(Pua etc. vs. Court of Appeals et. al. G.R. No. 134992 November 20, 2002).
