October 30, 2025 | 12:00am
Tahimik ang merkado, ngunit hindi ito katahimikan ng kapanatagan. Ayon sa pinakahuling ulat ng International Monetary Fund (IMF), ang mundo ay papasok sa tinatawag na “slowflation” — mabagal ang pag-asenso ngunit nananatiling mataas ang presyo ng mga bilihin. Sa madaling sabi, may paparating na bagyong ekonomiya, at kung hindi tayo maghahanda, tayo ang unang tatamaan.
Sa datos ng IMF, babagal ang global growth mula 3.3 percent noong 2024, magiging 3.2 percent ngayong taon, at 3.1 percent na lang sa 2026. Maaaring maliit sa paningin ng ilan, ngunit sa ekonomiya, ang bawat decimal na pagbaba ay nangangahulugang milyun-milyong trabahong posibleng mawala at negosyo na mahihirapan.
Sa Pilipinas, ramdam na ng karaniwang mamamayan ang epekto. Tumaas ang pamasahe, bigas, at kuryente. Bagaman sinasabing “kontrolado” ang inflation, tila walang kontrol sa araw-araw na gastusin. Hindi ito isyu ng presyo lamang, kundi kakulangan sa direksiyon—kulang sa suporta sa lokal na produksyon, industriya, at teknolohiya.
Habang ang ibang bansa ay naghahanda, tila kampante tayo sa remittance at konsumong panloob. Ngunit hindi ito pangmatagalang sagot. Ang pag-asa sa padala ng OFWs ay hindi makaliligtas sa atin kapag bumagal ang ekonomiya ng mga bansang pinagtatrabahuhan nila.
Sa Asya, sabay-sabay na rin ang pangamba. Mahina pa rin ang pagbangon ng China, tumatanda ang Japan, at ang mga bansa sa ASEAN gaya ng Pilipinas ay humaharap sa mataas na presyo ng langis at paghina ng export markets.
Ang solusyon ay hindi puro paliwanag, kundi konkretong reporma—palakasin ang industriya, pamumuhunan sa agrikultura, at disiplina sa paggastos ng gobyerno. Kailangan ng direksyon, hindi drama.
Tahimik pa ngayon, oo. Pero sa katahimikan na ‘yan, baka papalapit na ang unos. Ang tanong: handa ba tayo sa paparating na bagyong ekonomiya?
Para sa mga komento at suhestiyon, mag-text sa 09818100000.
