December 19, 2025 | 12:00am
Isang babala sa mga nagdidiyeta ang sinapit ng isang 25-anyos na female influencer sa China matapos itong maospital at muntik nang mamatay dahil sa kanyang extreme diet.
Na-diagnose ang babae ng acute pancreatitis matapos ang anim na buwan na pagkain lamang ng boiled chicken breast at cauliflower.
Dahil sa kanyang dedikasyon sa pagpapapayat, tinagurian ang hindi pinangalanang fitness influencer ng kanyang mga followers bilang “self-discipline goddess.”
Sa loob ng kalahating taon, wala siyang ibang kinain kundi nilagang manok at cauliflower. Wala itong mantika, asin, o anumang flavoring.
Bagama’t nakuha niya ang gustong timbang, nakaranas siya nang matinding side effects tulad ng panghihina, madaling mapagod, at panunuyot ng balat.
Binalewala niya ang mga ito hanggang sa makaramdam siya nang matinding abdominal cramps na naging dahilan ng kanyang pagkaospital.
Lumabas sa pagsusuri ng mga doktor na ang kanyang serum amylase level ay 10 beses na mas mataas sa normal. Ang amylase ay isang enzyme na tumutulong sa pagtunaw ng pagkain.
Dahil sa sobrang restrictive at low-fat ng kanyang diyeta, naipon ang mga enzyme secretions sa kanyang pancreas at sa halip na pagkain ang tunawin, sinimulan nitong “tunawin” o i-digest ang sarili nitong organ.
Ito ang nagdulot nang matinding pamamaga o acute pancreatitis.
Paalala ng mga doktor, ayon sa mga eksperto, bagama’t healthy ang manok at gulay, hindi sapat ang mga ito para ibigay ang lahat ng nutrisyon na kailangan ng katawan.
Ang sobrang pag-iwas sa fats ay nakasassama sa normal na secretion ng digestive enzymes. Payo nila: magbawas ng calories, pero siguraduhing balanse pa rin ang kinakain.
