Ang totoong mukha ng katiwalian

by Philippine Chronicle

ORA MISMOButch M. Quejada – Pilipino Star Ngayon

October 31, 2025 | 12:00am

HINDI lang pala mga flood control project o ‘yung mga tinatawag na ghost project ang nilamon ng katiwalian sa bansa­. Mas malalim, mas marumi, at mas nakagagalit pa pala. Pati ‘yung mga daan na dapat pinapadali ang buhay ng mga mag­sasaka, ginawang farm-to-my-pocket road ng ilang buwa­yang opisyal. Mga kalsadang dapat dinaraanan ng pro­dukto, naging daanan ng milyun-milyong pondo papunta sa bulsa ng iilan.

Tapos ‘yung mga paaralan—ilang classroom na ba ang “nawala” sa papel? Mga gusaling dapat puno ng batang nangangarap, pero sa totoo lang, puro hollow blocks ng kasi­­nungalingan lang pala ang itinayo. Sa mga ospital naman, dapat sana may gamot, may kagamitan, may pag-asa. Pero ang inabot ng mga pasyente, reseta ng pagkamatay. Kasi kahit may pondo na malaki, milyun-milyon pa nga tila nalusaw sa hangin.

Habang ang mga mahihirap, patuloy na naghihintay. Mga magsasaka, naglalakad sa putik imbes sa sementa­dong daan. Mga estudyante, nagkaklase sa ilalim ng puno. Mga pasyente, namamatay sa corridor. Samantalang ang mga dapat managot, naka-aircon, naka-Amerikana, at kung ngumiti pa parang walang kasalanan.

Nakaiiyak sa galit. Nakakabingi ang katahimikan ng hus­tisya. Hanggang kailan tayo papayag na ganito na lang pa­lagi? ‘Yung pera ng bayan, ginagawang parang play money ng mga ganid sa kapangyarihan. ‘Yung dugo’t pawis ng ma­mamayan, nilalaro lang sa ledger ng mga proyekto kuno.

Ang tindi nang nahukay na katiwalian parang bangkay ng sistema na matagal nang nabubulok, pero pilit pa ring tinatakpan ng pabango ng press release at pa-epal na ribbon-cutting. Baka naman oras na. Oras na para hindi lang umiyak, kundi manindigan. Kasi bawat patak ng luha ng bayan, dapat may kasamang apoy ng paniningil.

Disklaymer: Ang artikulong ito ay opinyon ng may-akda. Layunin nitong pukawin ang damdamin at kamalayan ng publiko laban sa katiwalian, hindi upang siraan ang sinu­mang indibidwal o institusyon. Ang galit na nilalaman nito ay sigaw ng bayan hindi ng makina.


You may also like

Leave a Comment

Are you sure want to unlock this post?
Unlock left : 0
Are you sure want to cancel subscription?
-
00:00
00:00
Update Required Flash plugin
-
00:00
00:00