December 27, 2025 | 12:00am
DAPAT saluduhan si Acting Philippine National Police (PNP) chief Lt.Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. dahil naging mapayapa ang pagdiriwang ng Pasko sa buong bansa. Pinakalat niya ang mga pulis sa maraming lugar upang bantayan ang mamamayan.
Napansin ko rin nitong nakalipas na Pasko na hindi pinabusalan ni Nartatez ang mga baril ng kapulisan sa buong bansa. Nasanay na ang mamamayan na tuwing sasapit ang Pasko ay selyado ang mga baril ng mga pulis upang walang magpaputok habang ipinagdiriwang ang Pasko. Nilalagyan ng masking tape ang nozzle ng mga baril para matiyak na walang magpapaputok.
Mayroon kasing mga pulis na kahit may busal na ang kanilang baril ay nagagawa pa ring magpaputok. May mga pulis na kapag nalasing ay nagiging hambog at walang habas na nagpapaputok.
Ang resulta: maraming inosenteng mamamayan lalo na ang mga bata, na tinatamaan ng stray bullet. Para hindi mahalata na nagpaputok ng baril ang mga mayayabang na pulis ay isinasabay nila sa pagpapaputok ng firecrackers tuwing noche buena.
Pero nitong nakaraang Pasko, walang nai-report na nagpaputok ng baril dahil nga ipinakalat ni Nartatez ang maraming pulis para magbantay. Kaya naging mapayapa ang pagdiriwang ng Pasko sa buong bansa. Walang naitalang gun firing habang nagsasalu-salo sa noche buena ang mga Pilipino.
Nalaman ko na ipinatupad ni Nartatez ang three minutes response ng mga pulis sa nagaganap na krimen. Tatlong minuto lang, nasa crime scene na ang mga pulis.
Minana ito ni Nartatez kay dating PNP chief Nicolas Torre III. Noong si Torre pa ang hepe ng PNP, maraming krimen ang nalutas dahil sa three minutes response. Sandamakmak na accomplishment ang tinamasa ng kapulisan noon kaya hinangaan ng madlang pipol.
Ngayong si Nartatez na ang Acting PNP ay ganundin ang kanyang ginagawa kaya sandamakmak din ang kanyang accomplishment.
Nalaman ko na bago sumapit ang Pasko maraming wanted persons ang inaresto ng mga pulis. Maraming loose firearms ang nakumpiska. Dahil sa mahigpit na superbisyon ni Nartatez sa mga pulis, walang masasamang loob ang nakagawa ng kabuktutan sa mamamayan. Paano makakagagawa ng kasamaan ang mga criminal e nakakalat sa mga kalye ang mga pulis.
Mayroong police car na nagpapatrulya sa kalye. Isang tawag agad ng mamamayan sa 911 ay nandiyan na agad ang mga pulis. Handang sumaklolo sa pangangailanagn ng mga tao.
Pero sa kabila nang kahigpitan ni Nartatez, isang police colonel ang grabeng nagwala raw sa Camp Crame noong isang araw. Ayon sa report, kinakastigo raw ng colonel ang kanyang mga tauhan. Dahil sa pagwawala, nahaharap ang colonel sa patung-patong na kaso at malamang na matanggal siya sa puwesto. Kung masisibak ang colonel, babay na sa kanyang milyones na retirement. Habambuhay niyang pagsisisihan ang ginawa.
Tapos na ang Pasko at pagselebreyt naman sa Bagong Taon ang pinaghahandaan ng mga tao. Kaya umaasa ang sambayanan na kung gaano kapayapa ang Pasko ay ganito rin kapayapa ang pagsalubong sa Bagong Taon.
Bantayan ang mga iresponsableng gun owners. Tumulong ang mamamayan sa pagsusuplong sa mga magpapaputok ng baril sa New Year. Ang kaligtasan ng bawat isa ay nakasalalay sa atin mismo.
