December 26, 2025 | 12:00am
TUWING huling gabi ng taon, parang may sabayang kasunduan ang ilan kung gaano kalakas ang paputok, ganoon din kalakas ang kita.
Pero sa likod ng bawat putok na bumibingi sa taynga, may nakaambang peligro, dugo, sunog, at buhay na puwedeng maputol sa isang iglap.
Sa mga taong ginawang negosyo ang delikadong paputok, malinaw ang babala hindi pera ang kapalit ng putok buhay ang taya.
Kada taon na lang, paulit-ulit ang eksena may nawalan ng daliri, may naputukan sa mukha, may batang nadamay, may bahay na tinupok ng apoy at may namamatay.
Tapos pagkatapos? Hugas-kamay. “Aksidente.” “Hindi namin kasalanan.” Bullshit.
Hindi ito simpleng tradisyon. Kapabayaan ito na may kasamang kasakiman.
Alam n’yo na ang peligro, alam n’yo na bawal, pero tuloy pa rin dahil malaki ang kita sa isang gabi.
Isang gabi ng saya, kapalit ng panghabambuhay na pinsala ng iba. Kung ganyan ang hanapbuhay, huwag na kayong magtaka kung bakit galit ang komunidad sa inyo.
Sa mga bibili at magpapaputok hindi sukatan ng saya ang lakas ng putok. Hindi mo kailangang magmistulang giyera ang kalsada para pumasok ang bagong taon.
Ang totoong panalo, sabay-sabay kayong sumalubong ng buo ang katawan at tahimik ang konsensya.
At sa mga magulang huwag maging bulag. Ang “laro lang” ngayon, puwedeng maging “habambuhay na kapansanan” bukas.
Bantayan ang mga bata. Turuan. Pigilan kung kailangan. Mas okay ang mapagalitan kaysa magsisi.
Sa mga awtoridad at barangay: huwag puro anunsyo. Aksyonan. Kung may listahan ng bawal, ipatupad.
Kung may hulihan, ituloy. Hindi sapat ang paalala kung walang tapang sa pagpapatupad.
Sa pagtatapos ng taon, pumili tayo ng ingay na may saysay tawa, yakap, at pasasalamat hindi putok na may kasunod na ambulansya.
Kung kikita man, kitaang malinis at ligtas, hindi dugong nakabalot sa plastik ng paputok.
Bagong taon, bagong isip. Kung hindi mo kayang magbago, huwag ka nang mandamay.
Disklaymer: Ang artikulong ito ay isang opinyon na naglalayong magbigay-babala at magmulat ng kamalayan para sa kaligtasan ng publiko. Wala itong layuning manira ng tao o negosyo, kundi hikayatin ang responsableng pagdiriwang at pagsunod sa batas.
