December 24, 2025 | 12:00am
HABANG ang karamihan ay nagmamadaling makauwi para makasama ang pamilya ngayong Pasko at Bagong Taon, may isang malinaw na regalong handog ang San Miguel Corporation (SMC) sa mga motorista, walang bayad ang toll sa bisperas ng Pasko at Bagong Taon.
Sabi nga, libre ang daan, diretso ang biyahe, bawas-stress sa bulsa.
Ayon sa SMC, walang kokolektahing toll sa lahat ng expressway na hawak nila, kabilang ang Skyway, NAIA Expressway (NAIAX), South Luzon Expressway (SLEX), STAR Tollway, Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX).
Ika nga, oras ng libreng pasada: bukas Disyembre 24, 10:00 ng gabi hanggang Disyembre 25, 6:00 ng umaga at Disyembre 31, 10:00 ng gabi hanggang Enero 1, 6:00 ng umaga (2026)
Ibig sabihin, kung uuwi ka ng probinsya o susundo ng mahal sa buhay wala kang ilalabas na barya sa toll. Pamasko na ‘yan.
Hindi lang libreng toll ang inihain ng SMC. Ayon sa SMC Infrastructure, todo-alerto ang mga tauhan—may dagdag na patrol, seguridad, at rescue teams simula pa noong Disyembre 20.
Sabi nga, may nakaabang na tow trucks, emergency vehicles, traffic at monitoring teams na 24/7 nakabantay.
Lahat ng roadworks na puwedeng magdulot ng trapik. Itinigil muna hanggang Enero 4, 2026. Walang abala, walang palusot. Habang tuluy-tuloy ang daloy sa expressway, sumabog naman sa dami ang pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa New NAIA Infra Corp. (NNIC), inaasahang aabot sa 2.55 milyong pasahero ang dadaan sa NAIA mula Disyembre 20 hanggang Enero 4, mas mataas ng halos 5 percent kumpara noong nakaraang taon.
Noong Disyembre 20 pa lang, 171,306 pasahero ang pumasok at lumabas ng NAIA, 950 flights ang gumalaw sa isang araw.
Pinakamataas sa kasaysayan ng NAIA. Mahigit kalahati nito ay sa Terminal 3, na humawak ng lampas 90,000 pasahero pinakamalaking buhat sa lahat ng terminal.
Aminado ang NNIC: lampas na sa orihinal na kapasidad ang NAIA.
Pero sa kabila nito, nanatiling maayos ang operasyon dahil sa mas maayos na gate at aircraft management, mas mabilis na immigration processing, mas malinaw na koordinasyon ng gobyerno at pribadong sektor.
Dagdag pa rito ang mga bagong biometric e-gates, mas maluwag na waiting areas, at mga bagong kainan sa Terminal 3. Mga hakbang na kahit papaano ay nagpapagaan sa hirap ng biyahe ng pasahero.
Sa panahong punô ng stress ang paglalakbay, may dalawang malinaw na eksena. Sa lupa: may libreng toll, may disiplina, may malasakit. Sa himpapawid: dagsa ang tao, hirap ang sistema, pero pilit inaayos.
Hindi ito perpekto. Pero sa gitna ng siksikan at pagod, ang libreng toll at mas maayos na galaw sa NAIA ay paalala na kapag may malinaw na plano at tunay na aksyon, gumagaan ang biyahe ng Pilipino kahit minsan lang sa isang taon.
Disclaimer: Ang artikulong ito ay isang opinyon at impormatibong paglalahad batay sa mga ulat at pahayag ng mga kinauukulang ahensya at pribadong kumpanya. Layunin nitong ipabatid sa publiko ang mga nagaganap kaugnay ng holiday travel at mga serbisyong pampubliko, at hindi nilalayong manira, manlibelo, o magbigay ng malisyosong paratang laban sa sinumang indibidwal o institusyon.
