EDITORYAL – Kamangmangan ng pulisya sa pag-iingat ng ebidensiya

by Philippine Chronicle

Pilipino Star Ngayon

December 23, 2025 | 12:00am

HINDI na nakapagtataka na maraming kaso ang hindi nalulutas dahil na rin sa kamangmangan ng pulisya sa pag-iingat ng ebidensiya at iba pang mahahalagang bagay na may kinalaman sa kaso. Sa halip na maging madali ang pagsolb sa krimen, tumatagal at ang masaklap, hindi na nalulutas dahil sa kamangmangan ng pulisya. Ang mga pulis na unang dumating sa pook na pinangyarihan ng krimen ay hindi naging maingat sa pagpreserba ng mga ebidensiya at ganundin sa mga mahahalagang gamit ng biktima.

Isang halimbawa ng kamangmangan na ipinakita ng pulisya ay ang nangyaring pagkamatay ni dating DPWH Undersecretary Catalina Cabral noong Huwebes. Si Cabral ay isa sa mga pangunahing personalidad na ini­uugnay sa maanomalyang flood control projects. Isi­nangkot siya ni dating DPWH director Roberto Bernardo sa malawakang corruption sa ahensiya.

Natagpuang patay si Cabral sa bangin na may 30 metro ang lalim. Sa autopsy, lumabas na may mga na­baling bahagi ng katawan si Cabral makaraang tumalon mula sa gilid ng Camp 4 sa Kennon Road.

Ayon sa pulisya, nagtungo sa Baguio si Cabral sakay ng isang van na minamaneho ni Ricardo Hernandez. Nang nasa Camp 4, Tuba, Benguet na sila, hiniling umano ni Cabral kay Hernandez na itigil ang sasakyan sa gilid. Gusto raw Cabral ang tanawin at magmumuni-muni. Su­balit sinita sila ng mga pulis na nagpapatrulya at si­nabing bawal tumigil sa lugar.

Ipinasya na nilang magtungo sa Baguio City at nagtuloy sa isang hotel. Dakong 3:00 p.m. ipinasya ni Cabral na magpahatid sa La Union. Nang dumaan sila Camp 4, sa mismong spot na tinigilan nila, sinabi ni Cabral sa driver na si Hernandez na itigil ang sasakyan. Pagkatapos­ nitong bumaba ay sinabihan ang driver na iwan siya. Uma­lis si Hernandez at nagtungo sa malapit na gasolinahan.

Nang balikan niya ang amo, dakong 5:00 p.m., wala na ito sa lugar. Nagbalik siya sa hotel at baka nauna na roon subalit wala. Nagbalik muli siya sa Camp 4 pero hindi niya nakita ang amo. Hanggang ipasya niyang ireport sa pulisya ang pagkawala ni Cabral. Natagpuan ang bangkay ni Cabral sa bangin.

Ang nakadidismaya, hindi napreserba ng mga pulis­ ang mahahalagang bagay ng biktima na maaring maging­ susi sa pag-iimbestiga. Nagkaroon ng lapses gaya ng ibinigay ng mga pulis sa pamilya ang mga personal na gamit ni Cabral, kabilang ang cell phone. Hindi sumunod sa mga protocol sa paghawak ng crime scene at ebi­densiya. Dahil sa pangyayari, sinibak sa puwesto ang hepe ng Tuba Municipal Police Station.

Kamangmangan ng pulisya sa pangangalaga ng ebidensiya ang dahilan kaya maraming kaso ang hindi nalulutas. Kailan matututo ang PNP?


You may also like

Leave a Comment

Are you sure want to unlock this post?
Unlock left : 0
Are you sure want to cancel subscription?
-
00:00
00:00
Update Required Flash plugin
-
00:00
00:00