December 20, 2025 | 12:00am
KASAL na si Renato kay Maria, ngunit nililigawan pa rin niya si Pilar. Ayon kay Renato, walang bisa ang kasal niya kay Maria dahil wala itong marriage license.
Dahil dito, nagsampa siya ng kaso sa korte upang ipawalang-bisa ang kanilang kasal.
Bago pa man lumabas ang desisyon ng korte, pinakasalan ni Renato si Pilar sa isang seremonyang sibil. Nang ipahayag na ng hukuman ang pasya, nagpakasal muli ang dalawa sa simbahan.
Pagkaraan ng siyam na taong pagsasama bilang mag-asawa at pagkakaroon ng dalawang anak, muling nambabae si Renato.
Muli siyang nagsampa ng petisyon sa hukuman upang ipawalang-bisa naman ang kasal nila ni Pilar.
Iginigiit ni Renato na walang bisa ang kanilang kasal dahil noong ikinasal sila sa seremonyang sibil, hindi pa napapawalang-bisa ng korte ang kasal niya kay Maria.
Mariing tinutulan ito ni Pilar at iginiit na balido ang kanilang kasal dahil ito ay may marriage license.
Dagdag pa niya, noong panahong sila’y ikinasal, hindi pa kailangan ang hatol ng hukuman upang makapag-asawang muli sapagkat hindi pa umiiral ang Family Code.
Dahil sa kasong isinampa laban sa kanya, humiling si Pilar ng danyos perwisyo laban kay Renato.
Pinanigan ng hukuman si Pilar at ipinasya na balido ang kasal nila ni Renato. Hindi nga kinakailangan noon ang naunang hatol ng korte sa pagpapawalang-bisa ng kasal ni Renato kay Maria upang siya ay magpakasal muli kay Pilar.
Gayunman, hindi maaaring makakuha si Pilar ng danyos perwisyo laban kay Renato. Kung pagbabayarin si Renato ng danyos, ang halagang gagamitin ay magmumula rin sa kanilang conjugal funds, sapagkat sila ay nananatiling kasal. Ito ay magiging salungat sa lohika at katarungan.
Ang isang asawa ay hindi maaaring magsampa ng kaso laban sa kanyang kabiyak upang humingi ng danyos.
Mayroon namang ibang remedyo ang batas, gaya ng legal separation o pagsasampa ng kasong kriminal tulad ng adultery o concubinage.
Nararapat lamang na magbigay si Renato ng suporta kay Pilar at sa kanilang mga anak. (Ty vs. Court of Appeals, 346 SCRA 86)
