Renewable energy projects, para sa kalikasan o interest?

by Philippine Chronicle

GO NORTHArtemio Dumlao – Pilipino Star Ngayon

December 21, 2025 | 12:00am

TINATANGHAL ng gobyerno ang renewable energy bilang sagot sa krisis sa klima, ngunit sa aktuwal, isa itong tabing para sa pinakabagong yugto ng pangangamkam ng lupa. Ang “green transition” na ito ay hindi para sa mamamayan—ito ay para sa tubo o interest.

Ang babala ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ay tila may basehan dahil kung milyun-milyong ektarya ng lupang agrikultural ang inilaan sa solar at wind projects, malinaw na hindi ito simpleng patakaran sa enerhiya kundi pag-agaw sa lupang bumubuhay sa bansa. Ang mga kalupaang inilalaan para sa mga renewable energy projecta ay hindi mga bakanteng espasyo, kundi mga sakahan, pangingisdaan, kagubatan, at lupang ninuno. Kapag tinabunan ito ng panel at turbina, inaalisan ng kabuhayan ang mga magsasaka, mangingisda, at katutubo.

Bulok ng lohika ng DOE dahil sa naaprubahang 158 gigawatts—walong beses ng kailangan ng bansa—tuloy pa rin ang auction. Malaking katanungan kung para kanino ang sobrang kuryente? Para ba sa mahihirap na patuloy na nagbabayad ng mahal na singil? Sa gitna ng krisis sa pagkain, pinipili ng pamahalaan na ipamigay ang produktibong lupa sa malalaking korporasyon. Hindi ba’t  malinaw na ito’y pagpapasya laban sa seguridad sa pagkain at pabor sa negosyo.

Kasuklam-suklam ang pagyurak sa karapatan ng mga Katutubo dahil ang 100 percent dayuhang pagmamay-ari sa mga kalakal sa renewable energy projects ay pagbubukas ng lupang ninuno sa dayuhang pandarambong. Malinaw ang aral sa Ilocos Norte, Benguet at kung saan pa nagbabalak magtayo ng mga renewable energy projects. Kung itinaboy ang mangingisda at katutubo at winasak ang pangingisdaan at lupang ninuno, hindi ito “kaunlaran”  kundi gutom, utang, migrasyon at kamatayan.

Walang “malinis” o “berde” sa proyektong nagtataboy ng tao sa sariling lupa.  Ang hindi makatarungang renewable energy ay bagong anyo ng lumang pagsasamantala. Ang krisis sa klima ay hindi malulutas sa pag-aagaw ng lupa, kundi nagsisimula sa paggalang sa karapatan ng mamamayan.

* * *

Para sa comment, i-send sa: [email protected]


You may also like

Leave a Comment

Are you sure want to unlock this post?
Unlock left : 0
Are you sure want to cancel subscription?
-
00:00
00:00
Update Required Flash plugin
-
00:00
00:00