Walang ingat na drayber | Pilipino Star Ngayon

by Philippine Chronicle

IKAW AT ANG BATASAtty. Jose C. Sison – Pilipino Star Ngayon

December 4, 2025 | 12:00am

Si Danny ang may-ari at drayber ng isang pampasaherong jeepney. Sa isang biyahe, kahit puno na ng 24 na pasahero ang sasakyan, pinasakay pa rin niya si Ina, isang kolehiyala. Binigyan niya ito ng isang kahoy na upuan na ikinabit lamang sa pinakahuling bahagi ng jeepney at doon niya ito pinaupo. Habang bumababa ang ilang pasahero, ipinarada ni Danny ang jeepney sa paraang nakausli ang huling bahagi nito nang humigit-kumulang dalawang metro sa highway.

Dahil nakaharang ang inuupuan ni Ina, kailangan pa niyang bumaba upang padaanin ang ibang pasahero. Habang siya’y bumababa, isang Isuzu truck na minamaneho ni Gabo ang biglang sumalpok sa likod ng jeepney. Dahil dito, napilayan si Ina sa kaliwang binti, na nagresulta sa 15 araw na pagkaka-ospital at tatlong buwang naka-semento ang binti.

Kailangan pa niyang gumamit ng tungkod sa paglakad, at dahil sa tindi ng pinsala, napilitan siyang huminto sa pag-aaral. Dahil sa insidente, nagsampa si Ina ng kaso laban kay Danny para sa danyos at paglabag sa kontrata ng pam­publikong sasakyan dahil sa kapabayaan niya.

Sa kabilang banda, nagsampa naman si Danny ng hi­walay na kaso laban kina Gabo at sa drayber nitong si Felix para sa kuwasi-delito. Sa desisyon ng mababang hukuman, pina­walang-sala si Danny matapos iturong si Felix ang may ka­salanan sa aksidente.

Pag-akyat ng kaso sa Court of Appeals at sa Supreme Court, sinabi ng mga hukuman na hindi nakatali si Ina sa de­sisyon ng mababang hukuman kaugnay ng kasong isinampa ni Danny laban kina Gabo at Felix.

Magkaiba ang pinanggagalingan ng mga kaso: ang kay Ina laban kay Danny ay nakabatay sa kontrata ng common carrier, samantalang ang kay Danny laban kina Gabo at Felix ay naka­salig sa kuwasi-delito.

Sa kaso ni Ina, hindi mahalaga kung sino ang sanhi ng banggaan; ang tinitingnan ay ang tungkulin ni Danny na ligtas na ihatid ang kanyang pasahero. Pinagtibay ng Korte na may pagpapabaya si Danny dahil sa maling pagparada ng jeepney, sa sobra-sobrang pagsakay ng pasahero, at sa pag-upo kay Ina sa isang delikadong tablang upuan sa hulihan.

Dahil dito, inatasan siyang bayaran si Ina ng P50,000 bilang danyos, P10,000 para sa attorney’s fees, at P1,000 na gastos sa paglilitis (Calalas vs. CA, et. al. G.R. No. 122039 May 23, 2000).


You may also like

Leave a Comment

Are you sure want to unlock this post?
Unlock left : 0
Are you sure want to cancel subscription?
-
00:00
00:00
Update Required Flash plugin
-
00:00
00:00