Factory worker na natanggap ang sahod ng ibang kasamahan, tumangging ibalik ang pera!

by Philippine Chronicle

MGA KWENTONG WEIRDRonniel Niko B. Halos – Pilipino Star Ngayon

November 3, 2025 | 12:00am

KINASUHAN ng isang pabrika sa Khanty-Mansiysk, Russia ang kanilang empleyado matapos nitong tumangging isauli ang mahigit 7 million rubles (5.1 million pesos) na maling na-transfer sa kanyang bank account dahil sa isang “software glitch”.

Ang manggagawa na si Vladimir Rychagov ay nagulat nang may malaking pera na pumasok sa kanyang account. Bukod sa inaasahan niyang 46,954 rubles para sa vacation pay, nakatanggap siya ng dagdag na 7.1 ­milyong rubles.

Ayon kay Rychagov, may mga tsismis noon na magbibigay nang malaking “13th salary” ang kompanya dahil maganda ang kita nito, kaya inakala niyang bonus ito.

Gayunman, agad siyang tinawagan ng accounting department at sinabihang isauli ang pera dahil pagkakamali lang ito. Ang pondo ay para sana sa sahod ng 34 na empleyado sa ibang branch ng kompanya.

Tumanggi si Rychagov at nagbigay ng kakaibang paliwanag:

“Nag-research ako sa internet. Nalaman ko na kung ‘technical error’ daw ito, nasa sa akin na kung ibabalik ko ang pera. Pero kung isa itong ‘billing error’, obligado akong isauli,” pahayag ni Rychagov. “Nalaman ko na technical error ‘yun, kaya nagdesisyon ako na karapatan kong angkinin ang pera.”

Dahil sa paniniwalang ito, ginamit ni Rychagov ang pera para bumili ng bagong kotse at lumipat ng lungsod kasama ang kanyang pamilya.

Agad na nagsampa ng kaso ang kompanya at na-freeze ang kanyang mga bank account. Pumanig sa kompanya ang mga naunang korte at ang court of appeals, at inutusan si Rychagov na ibalik ang pera dahil hindi ito maituturing na sahod. Sa kabila nito, hindi pa tapos ang laban.

Inapela ni Rychagov ang kaso sa Supreme Court at patuloy na iginigiit na sa kanya na ang pera.

Mariin namang itinanggi ng CEO ng kompanya na mayroong “13th ­salary” at tinawag itong isang ­“erroneous transfer.” Sinabi nilang gagawin nila ang lahat ng legal na paraan upang mabawi ang pondo.


You may also like

Leave a Comment

Are you sure want to unlock this post?
Unlock left : 0
Are you sure want to cancel subscription?
-
00:00
00:00
Update Required Flash plugin
-
00:00
00:00