October 30, 2025 | 12:00am
Isang pamilya sa Hangzhou, China ang nagsampa ng kaso laban sa paaralan ng kanilang anak na babae matapos itong ma-diagnose ng “acute and transient psychotic disorder,” na idinulot umano ng isang horror movie na ipinanood sa klase.
Nagsimula ang kakaibang kaso noong October 2023 ngunit kamakailan lamang nagkaroon ng desisyon ang korte.
Ayon sa ulat, pansamantalang naka-leave ang guro ng klase kaya inaprubahan ng paaralan na manood na lamang ng pelikula ang mga estudyante.
Hindi isinapubliko ang pamagat ng pelikula, ngunit ayon sa mga magulang ng biktima, isa itong “horror movie” na nag-iwan nang matinding epekto sa kanilang anak.
Kinagabihan pagkatapos ng film showing, nagsimula umanong magpakita ng mga kakaibang sintomas ang bata, kabilang ang pagiging “incoherent” o hindi maintindihan sa pagsasalita at tila pagkawala sa sarili.
Agad siyang dinala sa ospital kung saan siya na-diagnose ng “acute and transient psychotic disorder.”
Dahil dito, idinemanda ng mga magulang ang paaralan at humingi ng 30,000 yuan bilang danyos. Iginiit nila na ang panonood ng pelikula ang direktang sanhi ng sakit ng kanilang anak at nagpabaya ang paaralan sa kanilang tungkulin.
Lumabas din sa medical records na walang sinuman sa pamilya ng bata ang may history ng mental health problems.
Sa kabilang banda, itinanggi ng paaralan ang buong responsibilidad. Ayon sa kanilang abogado, ang sakit ng bata ay maaaring dati nang may problema sa isip. Pumayag lamang ang paaralan na akuin ang 10 percent ng danyos
Bago ang desisyon, umani ng mainit na debate ang kaso sa Chinese social media.
Sa huli, nagdesisyon ang hukom na nagpabaya ang paaralan nang aprubahan nito ang pagpapalabas ng horror movie. Ayon sa korte, ang paaralan ay 30 percent na responsable sa nangyari sa estudyante.
Inatasan ng korte ang paaralan na magbayad ng 9,182 yuan bilang kompensasyon.
