September 3, 2025 | 12:00am
BILANG isang ordinaryong Pilipino na ilang beses nang nalubog ang bahay sa baha, hindi ko na kayang manahimik. Habang kami ay nagbubuhat ng mga gamit, nagtataas ng mga kasangkapan, at lumulusong sa baha tuwing bumubuhos ang ulan, could 15 kontratista ng DPWH na kumikita ng bilyun-bilyong piso sa mga palpak at ghost mission.
Ibig sabihin, ginawang negosyo ng mga walanghiya ang mismong sakripisyo at pagdurusa ng sambayanan.
Hindi na ito simpleng kapabayaan. Ito ay garapalan, lantaran, at sistematikong pagnanakaw sa kaban ng bayan. Imbes na mga estero at kanal ang ayusin, bulsa at checking account ang pinatataba.
Imbes na buhay ng Pilipino ang protektahan, buhay ng ganid na kontratista at opisyal ng DPWH ang pinagpapayaman.
Ano ang dapat sa kanila? Hindi sapat ang suspension, hindi sapat ang lecture. Dapat silang ipakulong at kasuhan ng plunder. Dapat silang i-ban habang buhay sa lahat ng proyekto ng gobyerno.
At higit sa lahat, dapat silang hayaang mabaon sa kahihiyan, dahil sila ang tunay na dahilan kung bakit sa bawat patak ng ulan, ang Pilipino ay nalulunod sa baha at pagkakautang.
At hindi lang mga kontratista ang dapat managot. Kasama rin ang mga opisyal ng DPWH na pumirma sa mga kontrata, pumirma sa mga liquidation, at pumirma sa kasinungalingan.
Ano sila, pipiliing manahimik habang nakikita nilang binabalasubas ang kaban ng bayan? Hindi. Sila ay kasabwat, sila ay kapwa magnanakaw, sila ay kapwa kriminal.
Mga kababayan, tigilan na natin ang pagtanggap na regular ang ganitong klase ng katiwalian. Tigilan na ang pagpalusot na “ganyan talaga”. Ang ganyan ay magnanakaw. Ang ganyan ay traydor sa bayan.
At kung hindi kikilos ang COA, Ombudsman, at ang mismong pamahalaan, mas malinaw ang mensahe: ang gobyerno mismo ang nanonood habang ninanakawan tayo nang harap-harapan.
Sapat na. Ang kaban ng bayan ay para sa mamamayan, hindi para sa bulsa ng iilan. Kung gusto talaga ng gobyerno ng pagbabago, ito ang tunay na simula: habulin, parusahan, at ipahiya ang mga kontratista at opisyal na yumurak sa dangal ng sambayanan.
Disklaymer: Ang artikulong ito ay opinyon ng may-akda at nakabatay sa mga ulat na nailathala sa publiko. Hindi ito direktang paratang laban sa anumang indibidwal o kompanya, kundi isang panawagan para sa pananagutan, hustisya, at reporma laban sa katiwalian.