November 2, 2025 | 12:00am
Minsan pa, 10 overseas Filipino worker mula sa iba’t ibang bansa ang pinarangalan kamakailan ng pribadong sibikong organisasyon na Rotary Club of Bagumbayan-Manila (RCBM).
Kabilang ang RCBM sa mga pribado at pampublikong institusyon, organisasyon at ahensiya dito sa Pilipinas at ibayong-dagat na patuloy na kumikilala sa mga pagpupunyagi, sakripisyo at pagpapakasakit ng mga OFW sa pakikipagsapalaran sa ibayong-dagat para sa kinabukasan ng kanilang pamilya bukod sa malaking ambag nila sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
Pitong taon nang isinasagawa ng RCBM ang taunang proyekto nito ng paggagawad ng pagkilala sa mga OFW.
Ngayong 2025, isinagawa ang seremonya ng parangal noong Oktubre 23 sa Gloria Maris Shark Fin Restaurant sa Mall of Asia sa Pasay City.
Ang prestihiyosong plake ng pagkilala sa bagong Ten Outstanding OFW ay iginawad sa kanila nina District Governor Mary Mei Rodrigo ng Rotary International District 3810 at RCBM President Allen Rios. Katuwang nila sina Past President (PP) and District Governor Nominee Designate (DGND) Herminio Esguerra; Past District Governor (PDG) Danny Yu, adviser; Past President (PP) Eric Marquez,adviser; PP Angel Tong, Chairman, PP Manny Inserto, Overall Chairman of the Award at PP Edwin Seymour Chiu, Moderator.
Kabilang naman sa mga OFW na pinarangalan sina Danny Buenafe, journalist of ABS-CBN for Middle East and Europe and currently news anchor for DZMM Teleradyo; Gelacio Pili, ABV Rock Group and Kellog Brown & Root, across the Middle East, Africa and Australia; Emma del Rio, CPA at nagtrabaho sa Etisalat, isang telecommunication company sa Abu Dhabi, United Arab Emirates at tagapagsalita ng Filipino Community sa Abu Dhabi sa state visit noon ni Pope Francis; Articer Quebal, CPA, kunektado sa Philippine National Bank sa mga bansa sa Middle East; Mary Ann Perioles na nagtrabaho sa Kingdom of Saudi Arabia at naging entrepreneur; Capt. Eulalio Morala Dano, Ex-Master Mariner at dating Port Captain sa Maritech Shipmanagement Tokyo; Edmundo Daus mula sa Taiwan na kasalukuyang namamahala ng sarili niyang coffee shop at cacao farm sa Tarlac; Philip Rivera mula Taiwan na nakapagpatayo ng sarili niyang 9-door apartments at nagnegosyo sa pagbebenta ng bigas at; Capt. James Earl Afdal, Master Mariner Tokyo Fuji Shipping; at Capt. Juanito Salvatierra, Jr., pangulo ng BEAMKO Ship Management Corporation.
Taunang isinasagawa ng RCBM ang paggawad ng parangal sa Ten Outstanding Overseas Filipino Workers na isa sa mga pangunahing proyekto nito at nasa ikapitong taon na ngayong 2025-2026.
Ang RCBM ay isang non-government organization na tumutulong sa mga kapuspalad na nangangailangan ng gamot, nagbibigay ng scholarship sa mga mag-aaral, programang pangkabuhayan, ayuda sa mahihirap na pamilya, free cataract operation, mammogram and other sickness, free pacemaker, free kidney dialysis at marami pa.
Ayon sa isang dating pahayag ng RCBM, binibigyang-pagkilala nila ang Ten Outstanding Overseas Filipino Workers dahil sa napakahalagang ambag nila sa pagpapatatag sa bansa at pag-unlad ng ekonomiya sa pamamagitan ng kanilang remittances, pagpapamalas ng huwarang liderato sa community service, natatanging paggawa sa napili nilang larangan, pagiging samaritano sa kapwa nila manggagawa, at ipinakita nilang kabayanihan sa kanilang mga kababayan at ibang lahi.
