Walang gagawing tama si Marcos Jr.


ITO ang nahihinuha ko mula sa mga kaalit sa pulitika ni Presidente Bongbong Marcos. Hindi ako die-hard na pro-Marcos at binabatikos ko rin ang mga lisya sa kanyang pamamahala. Iyan naman ang obligasyon ng mga well-meaning journalists. Pumuna ng mali upang maiwasto.

Ngunit ang nakikita kong tuligsa sa kampo ng mga Duterte ay wala na ni kapatak na diwa ng constructive criticism. Ito ay isa nang sumpa na sana’y malusaw na ng tuluyan ang pamahalaang ito. Para ano?

E di para ibalik sa poder ang mga Duterte. Wala akong tutol maibalik man ang mga Duterte sa kapangyarihan sa pamamagitan ni VP Sara. Pero dapat, ito’y mangyari sa pamamagitan ng eleksiyon at hindi sedisyon. Seditious statements na ang inihahayag ng mga dye-in-the-wool supporters ng mga Duterte.

Kung maiboboto nang nakararami si Sara, e di igalang ang desisyon ng nakararami. Pero frankly, wala akong iboboto kung ang mga kandidato ay may impluwensya ng mga paksyong Duterte o Marcos.

Noong Huwebes, pinagbitiw ni Marcos Jr. ang lahat ng members ng kanyang Gabinete para diumano’y linisin ito at makatugon sa inaasahan ng tao. Para sa puganteng dating spokesman ni ex-President Duterte na si Harry Roque, at ng natalong senatorial bet ng kampo ni Duterte na si Vic Rodriguez, si Marcos Jr. ang dapat magbitiw dahil patungo na sa impiyerno ang administrasyong ito.

Sa marahas na salita ni Vic Rodriguez, si Marcos Jr. daw ang problema kaya dapat na itong magbitiw. Hellbound daw ang administrasyong ito. Kung magbibitiw si Marcos, natural uupo bilang Presidente si Sara.

Huwag namang mag-apura. Panatilihin sanang umiiral ang democratic process na matagal nang sinisiil nang masamang pulitika. Tutal, tatlong taon na lang ang hihintayin. Mabilis lang iyan at huwag mainip.

Tulad ng iba, hangad ko rin ang pagbabago: isang pamahalaang labas sa impluwensiya ng mga Marcos at Duterte.





Source link

Related posts

EDITORYAL – Linisin ni Torre dungis ng PNP

Avenue dwellers napakarami | Pilipino Star Ngayon

Tatlong isyung hahadlang sa paglilitis ni VP Sara