October 21, 2025 | 12:00am
MAS bumilis at umayos ang pag-responde ng kapulisan sa lahat ng klaseng emergency sa ilalim ng Unified 911 Emergency Hotline System. “Ito ang klase ng progreso na gusto natin sa Bagong Pilipinas — mabilis, episyente, at nakatuon sa pagliligtas ng buhay,” ayon kay Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio “Tateng” Nartatez Jr.
“Sa Unified 911, tinanggal natin ang mga hindi kailangang proseso at pinalakas ang real-time coordination ng mga responders. Ang resulta, mas mabilis na serbisyo at mas matibay na tiwala ng publiko,” ang dagdag pa ni Nartatez.
Ipinaliwanag naman ni PNP spokesperson Brig. Gen. Randolf Tuaño na mas dumami ang mga insidenteng natugunan ng Unified 911 matapos ipatupad ang bagong sistema, tulad ng traffic related cases na may 3,539, at public order disturbances sa 5,302.
“Ibig sabihin, mas marami nang Pilipino ang tumatawag sa 911 bilang unang takbuhan kapag may emergency,” ayon kay Tuaño. Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Ang Unified 911 ay nai-launch ng Department of Interior and Local Government (DILG) noong Setyembre 11-isang malaking hakbang para sa mas mabilis, mas maayos at may maasahang serbisyo sa buong bansa.
Kaagad namang nakita sa loob lamang ng ilang linggo ang magandang epekto nito. Kapansin-pansin na mula ng ilunsad ito, naging mas mabilis ang pagtugon, mas kaunting prank calls, at mas mataas na ang tiwala ng publiko sa paggamit ng hotline.
Batay sa datos ng Unified 911, tumaas ang mga totoong emegency calls mula 4,634 (bago ilunsad) tungo sa 19,761 mula Setyembre 11 hanggang Oktubre 17, habang bumaba naman ang mga prank calls mula 22,142 hanggang 2,736. Ayosss!
Kasabay nito, bumilis ang average response time mula 4.62 minuto tungo sa 2.79 minuto — halos 40 percent na pagbilis sa pagitan ng tawag at pagdating ng responders. Abawwww gid! Anong sey n’yo mga kosa? Hehehe! Kanya-kanyang diskarte lang ‘yan!
Para naman maiwasan ang pang-aabuso sa sistema, may automated blocking feature ang Unified 911 na awtomatikong nagba-block ng mga numerong paulit-ulit na gumagawa ng prank calls. Sa ganitong paraan, napupunta lang sa mga totoong nangangailangan ang mga linya ng Unified 911.
“Bawat segundo ay mahalaga kapag may emergency. Kapag na-block ang prank callers, mas maraming oras tayong maibibigay sa mga totoong nangangailangan ng tulong,” ang giit pa ni Tuaño. Ayon kay Tuaño, ang isa sa mga magagandang katangian ng Unified 911 ay ang localized communication feature — kung saan ang mga operator ay marunong magsalita sa lokal na diyalekto ng tumatawag.
Ito ay para mas madali nilang maipaliwanag ang kanilang sitwasyon, lalo na sa oras ng takot o tension, aniya. “Kapag nakakapagsalita ang tao sa sarili niyang wika, mas malinaw nilang naihahayag ang sitwasyon. Doon nabubuo ang tiwala — at ‘yon ang puso ng public safety,” dagdag ni Tuaño. Gets n’yo mga kosa? Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Sa proyektong ito, ipinapakita ng PNP ang kanilang tapat at mabilis na serbisyo para sa taumbayan, bilang suporta sa adhikain ng pamahalaan para sa Bagong Pilipinas — kung saan ang tulong ay laging abot sa isang tawag lang. Mismooo! Abangan!