Sara ng bayan o Sara ng mga kawatan?

ORA MISMOButch M. Quejada – Pilipino Star Ngayon

November 12, 2025 | 12:00am

GISING, Pilipinas! May nilulutong sabwatan sa loob ng kapang­yarihan at amoy bulok na. Habang nilalamon ng baha ang mga lansangan, may ibang nilalamon ng kasakiman sa loob ng mga opisina ng gobyerno. Habang tayo’y nagbibilad sa araw, nag-aabang ng ayuda, at naglilimos ng katarungan, may mga dambuhalang anino na nag-uusap sa likod ng kurtina.

Ang pinag-uusapan? Kalayaan ng mga kawatan. Tila peli­kula may “Insider List” na inihayag ni Tulfo, may mga panga­lang bigatin: VP Sara, Pulong, Chavit. May sabay na “moral rally” ng mga relihiyosong grupo? Parang magkahiwalay na isyu? Hindi, ‘yan ang matinding bitag. Iisang script, iisang direktor, iisang layunin takasan ang hustisya.

Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, may pumutok na impormasyon, sangkot ang ilang contractor at opis­yal sa bilyun-bilyong flood control scandal mga ghost project na literal na kumitil ng buhay nang bumaha sa mga bayan at lungsod. Habang ang mga pondo’y dapat sana’y nagligtas, ninakaw na pala. At ngayon, nang malapit nang makasuhan, nag-panic ang mga hayok sa posisyon.

Walang piyansa, may listahan, may imbestigasyon kaya kailangan nila ng “kalasag”. Diyan umano pumasok ang tinatawag nilang “Dakilang Deal”. Ang mga kawatan, despe­radong mailigtas, lumapit diumano sa kampo ni VP Sara. Ang alok, kami ang bahala sa gulo, pondohan namin ang mga rally, gamitin natin ang mga relihiyosong grupo para magmukhang “moral crusade”.

Ang kapalit? Kapag ikaw ang naupo, malilinis kami? Naku ha! Totoo kaya ito? Ang rally, hindi raw para sa Diyos para sa mga demonyo sa barong. Ang sigaw, hindi raw “hustisya!” kundi “ililigtas mo ba kami?” At kung totoo man ito, napakasaklap.

Dahil ang perang ninakaw sa taumbayan, ginamit pang pondohan ang drama para sa kaligtasan ng mga nagnakaw. Ang dasal ng mga tapat, ginawang takip ng kasalanan. Ang simbahan, ginamit diumanong entablado?

Ito ang masakit na katotohanan pulitika para sa iilan, sakripisyo ng sambayanan.

Kailan pa naging normal na gamitin ang pananampalataya bilang sandata ng katiwalian? Kailan naging tama na ang hustisya’y nakadepende sa posisyon? Kailan tayo natutong ngumiti habang niloloko?

Ang mga rally na iyan, mga bandila, mga dasal pakinggan mong mabuti. Kung ang sigaw ay “para sa bayan,” pero ang pera ay galing sa kaban, huwag kang magpalinlang. Ang tunay na bayan ay hindi kailanman lalaban para iligtas ang magnanakaw. Hindi ito simpleng pulitika. Ito ay pagtataksil.

Sa harap ng baha, lindol, gutom, at takot ang kalaban ay hindi kalikasan, kundi kapwa-taong pinili sanang maglingkod. Kung may Diyos sa langit, may bayan sa lupa. At sa bayan na ito, hindi na dapat pinalamlampas ang mga sabwatan na niluluto sa palasyo habang nilulunod tayo sa kasinungalingan. Tanong ng sambayanan: Si Sara ba ay para sa bayan o para sa mga kawatan?

DISKLAYMER: Ito ay opinyon ng may-akda, hindi utos ng sinuman. Ito ay sigaw ng isang mamamayang sawang malunod sa kasinungalingan at katiwalian.

Ang layunin nito ay gisingin, hindi manira, manawagan, hindi manakot.

Kung may dudang dapat linawin, ilantad ang katotohanan. Ang bayan ay may karapatang malaman.


Related posts

Lalaki na nasisante dahil laging matagal sa banyo, idinemanda ang kanyang employer!

Sakit sa breast ng babae at lalaki

Smuggled cigarettes nasamsam sa Tarlac