NAGPAPALUSOT ang Malacañang. Bumagsak umano ang performance ratings ni President Bongbong Marcos Jr. dahil sa disimpormasyon ng mga kaaway ng administrasyon.
Mali! Harapin ng Malacañang ang katotohanan. Bumulusok ang tiwala ng madla kay BBM dahil sa mga maling ginawa nito.
Isa rito ang pagkuha ni Finance Sec. Ralph Recto sa P90 bilyon mula sa PhilHealth. Tandaan na ang PhilHealth ay pera ng mga kasapi – kontribusyon ng mga sumusweldo, at parte ng mga maralita mula sa sin taxes sa alcohol, tobacco at matamis.
Ipinalusot ni Recto sa Korte Suprema na ginamit ang P60 bilyon sa paggawa ng Panay-Guimaras-Negros Island Bridges. Paano nangyari ‘yun samantalang nagpautang ang Korean ExIm bank para sa naturang proyekto?
Nitong 2025 inalis ng BBM supermajority sa Kongreso ang budget ng PhilHealth. Nawala ang parte ng mga maralita sa sin taxes. Pero lumaki ang ayuda ng mga politiko nu’ng panahon ng kampanya. At dinagdagan ng Kamara de Representantes nang P17.4 bilyon ang sariling budget mula sa orihinal na P16 bilyon. Nililihim ng Kamara ku’ng saan ginagasta ang kabuoang P33.4 bilyon.
Lumala ang gutom nu’ng Marso 2025 sa 27.2 percent, kumpara nu’ng Disyembre na 25.9 percent. Pinakamalala na ang dalawang ito mula nu’ng Pandemya.
Kalahati ng mga pamilya, 52 percent, ang nagsabing naghirap sila nu’ng Marso. Mas malala nu’ng Disyembre, 63 percent. Pero nawawalan na ng tiwala ang madla sa BBM admin.
Totoo ang kalam ng bituka.
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM)