December 25, 2025 | 12:00am
Ang plema ay may mahalagang ginagampanan sa pagtanggal ng mga hindi kanais-nais na bagay sa baga. Para sa mga malusog na tao, ang lining sa daanan ng hangin sa baga ay may manipis na layer ng mucus na tinatawag na mucus blanket. Ito ang pumipigil sa alikabok, bacteria, at iba pang particles na makasisira sa baga. Ang mucus ng isang malusog na tao ay dahan-dahang umaakyat para mailabas ang plema.
Ngunit para sa mga taong malakas manigarilyo, at may sakit sa baga, ang ganitong paglilinis ng baga ay humihina. Dahil dito, ang mucus ay naiipon sa baga at nagiging madikit at madilaw. Ito ang nagiging dahilan para mahirapang huminga.
Heto ang mga payo kung paano palalabasin ang plema:
1. Uminom ng 8-10 baso ng tubig araw-araw para mabawasan ang madikit na plema at madali itong mailabas. Uminom ng mucolytic, gaya ng carbocisteine o ambroxol capsules. Ang mga gamot na ito ay maaaring makapagpabago sa plema.
2. Ang tamang pag-ubo ay nakaupo nang deretso at bahagyang pasulong. Habang umuubo, suportahan ito sa paglagay ng kamay sa tuhod o paglagay ng siko sa armrest. Sa kabilang banda, mahirap umubo kapag nakahiga.
3. Subukan ang paglanghap ng steam. Magpakulo ng dalawang tasa ng malinis na tubig at ilagay sa malaking bowl. Italukbong sa ulo ang tuwalya at saka langhapin ang usok. Ang isa pang puwedeng gawin ay buksan ang hot shower ng banyo at langhapin ang usok.
4. Subukan ang pagtapik sa likod (chest clapping). Gamit ang mga kamay, iporma ito ng patatsulok. Pagtapos ay marahang tapikin ang likod para maglikha ng marahang tunog. Tapikin ang itaas at gitnang bahagi ng likod para matulungan na lumuwag ang madikit na plema. Ang ganitong paraan ay mainam sa mga bata na mayroong pulmonya.
5. Isang paalala: Para maprotektahan ang likod sa pagkapuwersa, subukan ang marahang pag-ubo sa halip na isahang malakas na pag-ubo. Kung nakaramdam na ikaw ay hahatsing, subukan na kumapit sa upuan, mesa o dingding para masuportahan ang likod sa biglaang pag-ubo o paghatsing.
6. Matulog na gamit ang dalawang unan para hindi mag-ipon ng plema sa lalamunan at baga.
7. Sa huli, magpatingin sa doktor para malaman ang pinagmulan ng ulo. Kung naninigarilyo, ito na ang oras para huminto sa bisyong ito. Panatilihin ang inyong baga na malinis at malusog para makahinga nang maayos.
* * *
Mga gagawin kapag barado ang ilong
1. Uminom ng 8-12 basong tubig sa isang araw. Maaari ring uminom ng sopas, tsa at juices.
2. Maligo sa shower gamit ang mainit na tubig. Isara ang pinto sa banyo para makulob ang usok na manggagaling sa mainit na shower (parang sauna). Ang steam o usok ay may water vapor na nagpapalabnaw ng plema.
3. Subukan ang steam inhalation. Magpakulo ng 2 litrong tubig sa isang kaldero. Kapag kumulo na, palamigin ng 10 minuto at isalin ang tubig sa isang plastic na palanggana. Ilapit ang mukha ng 6 inches sa mainit na tubig. Itaklob ang tuwalya sa ulo habang nakatapat sa palanggana. Ito’y para makulob ang init at malanghap ang usok na nanggagaling sa tubig. Puwedeng mag-steam inhalation ng 3 o 4 beses sa maghapon.
4. May tulong ang Saline Spray na nabibili sa botika. Isa itong botelya na ipinapasok sa ilong at ini-spray. Sa ganitong paraan, mapalalabnaw at matutunaw ang plema sa ilong.
5. Gumamit ng warm compress. Ilubog ang tuwalya sa mainit na tubig at pigain. Ilagay ang mainit na tuwalya sa bandang ilong at noo. Ang warm compress ay nakababawas ng kirot at pamamaga ng sinus.
6. May mga nabibiling gamot para sa sipon pero hindi ito puwedeng inumin ng pangmatagalan. Minsan, nakaaapekto rin itong mga gamot sa iyong blood pressure.
7. Kung may allergy, umiwas sa mga bagay na nakaka-allergy. Linisin ang kuwarto at linisin ang mga gamit, kama, sopa at rug. Labhang maigi ang unan, kumot, tuwalya at baro. Ang mga balahibo mula sa alagang hayop at stuffed toys ay nakaka-allergy din. Kung matindi ang allergy, puwede ring uminom ng gamot sa allergy ng paminsan-minsan.