November 14, 2025 | 12:00am
Habang bumabagsak ang palitan ng piso, lumulubog ang pamumuhay ng karamihang Pilipino. Hindi mo kailangang maging ekonomista para maramdaman ang bigat ng balitang bumagsak na naman ang piso kontra dolyar, umabot na sa P59.17 kada $1 bagong record low. Sa simpleng salita, mas mahina na ulit ang pera ni Juan dela Cruz, habang lumalakas ang dolyar ng mga banyaga.
Oo, sabi nila, maganda raw ito para sa mga OFW dahil mas malaki ang palit ng padala nila. Pero teka, ilang porsiyento lang ba ng mga Pilipino ang may kamag-anak sa abroad? Para sa karamihan na umaasa sa lokal na kita, masakit ito sa bulsa. Kapag humina ang piso, lahat nang inaangkat nating produkto gasolina, bigas, asukal, gamot, kuryente, at kahit simpleng instant noodles tataas ang presyo. Kasi halos lahat nang gamit at pagkain natin may halong import. Kahit LPG na pangluto o langis na ginagamit ng jeep, dolyar ang bayad doon. Kaya kung ang piso ay halos lumubog sa P59, siguradong sirit ang presyo ng bilihin.
At habang tumataas ang presyo, hindi naman sumasabay ang suweldo. Kaya ang resulta mas kaunting laman ng grocery cart, mas maikli ang pasensiya, at mas mahaba ang pila sa utang. Ang mas delikado pa rito, sabi ng mga eksperto, ‘yung utang ng gobyerno at pribadong kompanya sa dolyar lalaki rin ang kabuuang bayarin nila kapag humina ang piso. Ang utang na $10 bilyon, halimbawa, ay mas mabigat bayaran kung ang palitan ay P59 kaysa P55. Sino ang magbabayad sa huli? Tayo rin sa buwis, sa singil, sa taas ng presyo ng serbisyo.
Ang totoo, hindi lang ito simpleng galaw ng merkado. May bahid ito ng kawalan ng tiwala sa pamahalaan. Habang patuloy ang mga isyu sa pamumuno, katiwalian, at kakulangan ng malinaw na direksyon sa ekonomiya, nanginginig ang loob ng mga mamumuhunan. Kapag wala silang tiwala, aalis ang pera, at mas lalong humihina ang piso.
Sabi ng Bangko Sentral, hayaan daw ang “market forces” ang magtakda ng palitan. Pero kung patuloy ang pangunguna ng mga “puwersang” may sariling interes, paano naman ‘yung mga puwersang gutom, puwersang pagod, at puwersang umaasa sa baryang kulang pang pamasahe?
Kung hindi kikilos ang gobyerno para ayusin ang ugat ng problema ang kawalan ng direksyon, katiwalian, at kapabayaan hindi lang piso ang babagsak. Baka mismong tiwala ng bayan ang tuluyang mawala.
Panahon nang maningil ng pananagutan. Hindi puwedeng puro paliwanag habang ang masa ay patuloy na kumakapit sa barya. Dapat marinig ng mga nasa kapangyarihan na bawat sentimong ibinabagsak ng piso ay may katumbas na gutom, pawis, at pagod ng karaniwang Pilipino. Kung hindi kikilos ngayon, baka paggising natin bukas, hindi lang piso ang bagsak kundi tiwala ng sambayanan.
Disklaymer: Ang artikulong ito ay opinyon ng manunulat batay sa mga pampublikong datos at obserbasyon. Layunin nitong magmulat at magpaliwanag sa karaniwang mamamayan hinggil sa epekto ng pagbagsak ng piso sa ekonomiya at sa araw-araw na buhay ng Pilipino. Wala itong intensyong manira ng sinumang tao o institusyon.