Piliin kung alin ang masustansiya

DOC WILLIEDr. Willie T. Ong – Pilipino Star Ngayon

November 12, 2025 | 12:00am

Piliin kung alin ang mas masustansiya sa mga sumusunod na pagkain:

1. Saging na latundan o lakatan

Ang saging ay mayaman sa potassium, vitamin B, trypto­phan at carbohydrates. Kailangang kumain ng dalawang saging bawat araw para sa ating puso.

Pero anong klaseng saging ang dapat kainin? Ang saging na lakatan na mas mataas sa vitamin C kumpara sa saging na latundan na walang vitamin C.

Sagot: Saging na lakatan

2. White wine o red wine

Ang red wine ay may resveratrol at iba pang phytoche­micals, na matatagpuan sa ubas. Ang mga kemikal na ito ay nagpapataas ng ating good cholesterol at pinapababa naman ang ating bad cholesterol.

May pag-aaral na nagsasabi na baka makatulong din ang resveratrol laban sa kanser at para humaba ang ating buhay. Isang paalala lang: Para sa mga kalalakihan, huwag sosobra sa two wine glass ang inumin bawat araw. Para sa kababaihan, huwag sosobra sa one wine glass bawat araw. Ito’y dahil mas madali malasing ang kababaihan kaysa sa kalalakihan.

Ngunit kung hindi naman kayo umiinom ng alak ay puwe­deng huwag na lang umpisahan. Kumain na lang ng pulang ubas na may katumbas na benepisyo tulad ng red wine.

Sagot: Red wine

3. Sabaw o ensalada

Ang ensalada ay may kasamang gulay at kamatis na mas masustansya kumpara sa pangkaraniwang sopas. Tan­daan lamang na gumamit ng light dressing o suka para sa inyong salad.

Huwag punuin ng Thousand Island sauce o Caesar’s salad sauce ang inyong ensalada para hindi makataba. Mataas din sa healthy fiber ang salad.

Sagot: Ensalada

4.Dried fruits o fresh fruits

Ang dried fruits tulad ng raisins, dried mangoes at preserved fruits ay mga prutas na tinanggalan ng tubig ang laman. Kaya lang, mataas sa asukal at calories ang mga dried fruits.

Ang mga sariwang prutas naman ay may taglay na 80 percent na tubig at kumpleto pa ito sa bitamina at nutrisyon. Kung tayo ay papipiliin, mas masustansya ang sariwang prutas.

Sagot: Fresh fruits

5.Shrimp crackers (kropek) o nilagang mani

Ang mani ay sadyang masustansiya, dahil punumpuno ito ng protina, minerals at fats. Huwag mag-alala dahil ang taba na taglay ng mani ay mga good fats na kung tawagin ay monounsaturated at polyunsaturated.

Bukod dito, pinapababa rin ng mani ang iyong bad cholesterol at may vitamin E pa ang mani. Ang kropeck naman ay gawa lang sa harina at mantika.

Sagot: Nilagang mani

 


Related posts

Lalaki na nasisante dahil laging matagal sa banyo, idinemanda ang kanyang employer!

Sakit sa breast ng babae at lalaki

Smuggled cigarettes nasamsam sa Tarlac