Pigilan ang pagtanda | Pilipino Star Ngayon

DOC WILLIEDr. Willie T. Ong – Pilipino Star Ngayon

November 13, 2025 | 12:00am

May mga paraan para mapabagal ang pag-edad o pagtanda. Narito ang tips na maaaring makatulong.

1. Kumain ng almusal araw-araw. Ang gulay, sardinas, kanin, gatas, itlog at prutas ay masustansiyang almusal.

2. Kumain ng pagkaing may tomato sauce (ketsap at spag­hetti sauce) at uminom ng green tea. Panlaban ito sa mara­ming kanser.

3. Kumain ng maberdeng gulay at mga prutas, tulad ng mansanas, saging at pakwan.

4. Huwag sosobrahan ang kahit anong pagkain. Huwag magpakabusog. Katamtaman lamang ang kainin.

5. Mag-asawa o magkaroon ng kasama sa buhay. Mas mahaba ang buhay ng mga may asawa kumpara sa mga nag-iisa.

6. Tumawa ng 15 minutos bawat araw. Laughter is the best medicine.

7. Magkaroon nang mabait na kaibigan. Makatutulong siya sa pagtanggal ng stress sa buhay.

8. Makipag-sex sa asawa o partner nang mas madalas. Ang pakikipag-sex ay isang uri ng ehersisyo at nakababawas sa stress.

9. Umiwas sa bisyo at peligro.

10. Matulog ng 7-8 oras bawat araw.

11. Mag-ehersisyo.

12. Mag-alaga ng aso. Nagbibigay ng pagmamahal ang aso sa kanyang amo.

13. Magsipilyo ng tatlong beses bawat araw. Gumamit din ng dental floss.

14. Magpabakuna. May mga bakuna laban sa hepatitis B, pulmonya, trangkaso, at iba pang sakit

15. Inumin lang ang tamang gamot. Itanong muna sa doktor bago uminom ng kahit anong gamot o supplement. Mas mainam na magtanong sa dalawang doktor para makasiguro na tama ang iyong iniinom.

16. Alamin ang mga sakit sa pamilya at gumawa ng paraan para maiwasan ito. Halimbawa, kung may lahi kayo ng sakit sa puso, magpasuri nang maaga sa doktor.

17. Uminom ng 8-10 basong tubig araw-araw.

18. Umiwas sa araw, usok, alikabok at iba pang polusyon sa lansangan.

19. Huwag manigarilyo at umiwas sa usok ng sigarilyo.

20. Mamuhay lamang ayon sa iyong kakayahan. Umiwas sa pagkabaon sa utang.

21. Huwag magretiro. Laging ituloy ang iyong trabaho para may pinagkakabalahan.

***

Mga pagkaing pampalakas ng katawan

1. Saging – Napakaganda ng saging sa mga nag-e-ehersisyo dahil mayroon itong taglay na carbohydrates, vitamin B at potassium. Ang potassium ay kailangan sa normal na pagtibok ng puso at paggalaw ng muscles. Masdan niyo ang mga tennis players na palaging kumakain ng saging. Malakas sila.

2. Spaghetti – Nagbibigay ng lakas ang spaghetti dahil sa taglay nitong carbohydrates. Sa mga diabetic, mas mainam ang spaghetti kaysa sa kanin, dahil mas hindi tataas ang iyong asukal sa dugo.

3. Gatas – Ang gatas ay isang kumpletong pagkain dahil mayroon itong carbohydrates, protina at fats. May vitamin B pa ito na nagbibigay ng lakas. Piliin lamang ang low-fat milk para hindi tumaba.

4. Chocolate Bar – Para sa kabataan, puwedeng kumain ng tsokolate dahil mayroon itong asukal, gatas at cocoa. Maituturing itong energy bar. Pero limitahan lang ang kakainin sa isang maliit na hiwa at baka ikaw ay tumaba.

5. Pakwan – Ang pakwan at buko ay napakabisang natural energy drinks. Ang pakwan ay may 92% alkaline water na mabuti sa katawan. Punong-puno din ang pakwan ng vitamin B, potassium at electrolytes na kailangan ng taong laging pinapawisan. Maganda rin ang pakwan bilang panlaban sa heat stroke at init ng panahon.

6. Buko – Ang sabaw ng buko ay mayroong maraming electrolytes na maihahambing na sa suero na ginagamit ng doktor. Ang laman ng buko ay may carbohydrates na nagpapalakas at nakabubusog din.

7. Nilagang itlog – Ang itlog ay siksik sa protina, vitamin B at vitamin D. May sangkap pa itong Choline na kailangan ng ating utak. Limitahan lang ang pagkain sa 1 o 2 itlog sa maghapon.

8. Nilagang mani – Ang mani ay punong-puno din ng protina, minerals at good fats na nagbibigay ng lakas. Mas masustansya ang nilagang mani kaysa sa pritong mani dahil wala itong mantika at mababa sa asin.


Related posts

Lalaki na nasisante dahil laging matagal sa banyo, idinemanda ang kanyang employer!

Sakit sa breast ng babae at lalaki

Smuggled cigarettes nasamsam sa Tarlac